1,163 total reads
Inihayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na hindi na lamang usapin ng hinaharap ang epekto ng climate change kasunod ng trahedyang dulot ng pagguho ng glacier sa Nepal.
“Climate change is no longer something we can speak about merely in the future tense,” ayon sa pahauag ni Cardinal David.
Tinukoy ng kardinal ang sakuna sa Himalayan region, malapit sa hangganan ng Nepal at Tibet, kung saan malaking bahagi ng glacier ang bumagsak sa lambak at nagdulot ng pagragasa ng tubig, putik, bato at iba pang debris.
Ayon kay Cardinal David, ang sakuna ay paalala na ang mga pangyayari sa kabundukan ay may direktang epekto sa mga pamayanang nasa ibaba.
“What happens high above us does not remain there. When mountains of ancient ice collapse, whole communities thousands of meters below can be swept away within minutes,” ayon sa kardinal.
Inihambing ng kardinal ang pangyayari sa Nepal sa karanasan ng mga Kapampangan sa pagragasa ng lahar mula sa Mount Pinatubo matapos ang pagputok nito noong 1991.
“People described it as a herd of rampaging bulls coming down from the mountain. We know what it is like to watch a mountain come down as a river,” ayon pa kay Cardinal David.
Hinimok ni Cardinal David ang mga mananampalataya na ipanalangin ang Nepal, lalo na ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, mga nasugatan, nawawala at lumikas dahil sa trahedya.
Binigyang-diin din ng kardinal ang pananagutan ng bawat isa sa pangangalaga sa kalikasan.
“What we do to our common home, we ultimately do to ourselves,” ani Cardinal David.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa 350 ang nasawi sa insidente, habang patuloy ang search and rescue operations para sa 1,400 nawawala kabilang ang isang Pilipino.




