52,373 total views
Mga Kapanalig, humiling ang defense team ni dating Pangulong Duterte na payagan ang kanilang kliyente na pansamantalang palayain habang dinidinig ang kanyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (o ICC). Interim release sa isang hindi pa tinutukoy na bansa ang kanilang apela.
Giit ng kampo niya, hindi naman daw flight risk ang dating presidente. Narito pa ang ilang pangako nila. Una, “Duterte will not abscond.” Hindi raw siya tatakas. Pangalawa, “Duterte will not imperil proceedings if released.” Hindi raw niya ilalagay sa alanganin ang mga pagdinig kung siya ay papayagang lumaya pansamantala. Halimbawa, hindi niya pagbabantaan ang mga magibibigay ng testimonya o ang mga kaanak ng mga biktima ng madugong war on drugs. Wala raw impluwensya o kapangyarihan si dating Pangulong Duterte. (Pero hindi ba nasa poder pa rin ang kanyang mga anak?) Pangatlo, “Duterte will not continue to commit crimes.” Hindi na raw siya gagawa ng anumang krimen. (Ibig sabihin ba nito, may pag-amin na nakagawa si dating Pangulong Duterte ng krimen?) At panghulli, “Humanitarian factors militate in favor of interim release.” Dapat din daw isaalang-alang ang kanyang edad; 80 anyos na si dating Pangulong Duterte.
Mahigit tatlong buwan nang nasa ICC si dating Pangulong Duterte, at para sa mga naulila ng kanyang marahas na kampanya kontra iligal na droga, malaking hakbang na ito tungo sa katarungan. Ang pagbigyan siyang makalaya kahit pansamantala ay hindi nila matatanggap. Sinagot ng prosekusyon ang hiling ng kampo ng dating presidente. Anila, sa mata ng pamilya ni dating Pangulong Duterte, kinidnap ang kanilang padre de pamilya. Hindi nila kinikilalang lehitimo ang paghuli at pagpapanagot sa kanya, kaya hindi malayong gumawa sila ng paraan para itago ang kanilang tatay. Kung kinidnap nga naman ang isang tao, hahanap at hahanap siya at ang kanyang pamilya ng paraan para makatakas sa mga kumidnap, ‘di po ba?
Sa Setyembre 23 ang susunod na pagdinig sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Duterte. Kukumpirmahin doon ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Kaunting panahon na lang ang hihintayin para magsimulang gumulong ang proseso ng batas. Baka pwede nang hintayin ng kampo ni dating Pangulong Duterte ang araw na ito. Tutal, maayos naman ang kalagayan niya sa ICC; malayong-malayo sa kondisyon ng mga bilanggo sa ating bansa. Masuwerte pa nga siya kung tutuusin dahil kaya ng kanyang pamilya na kumuha ng serbisyo ng magagaling na abogado. Kung edad naman ang pag-uusapan, sinabi ng mga eksperto na hindi ito kinikilalang batayan ng ICC. Hindi daw pababayaan ng korte ang mga matatandang bilanggo.
Hindi maikakailang hinati tayong mga Pilipino ng pag-aresto sa maituturing na pinakasikat na presidente ng Pilipinas. Pero pakaisipin sana nating hindi ito tungkol sa kanya lamang. Hindi ito tungkol sa pang-aapi sa kanya, sa pagkidnap sa kanya, o sa pamumulitika ng mga magkakakalabang paksyon. Usapin ito ng katarungan para sa mga kababayan nating pinagkaitan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa harap ng batas, bagay na ibinibigay ngayon kay dating Pangulong Duterte. Usapin ito ng dignidad ng mga pinatay sa ngalan ng pangakong kapayapaan at kaayusan. Usapin ito ng pagpapanagot (o accountability) sa mga lider nating umabuso sa kapangyrihang ipinagkatiwala sa kanila. Lahat ng ito ay pinahahalagahan sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan.
Mga Kapanalig, mababasa natin 2 Samuel 21:1-14 ang kahandaan ni Haring David na pagbayaran ang mga kasalanan ng kanyang bayan sa mga Gibeonita. Pero hindi natin gugustuhin ang pagpayag ni Haring David sa karasahang gusto ng mga biktima ni Saul, kaya ang paggulong ng proseso ng batas ang ating pinapanigan. Mapalad si dating Pangulong Duterte na nasa panahon tayong mas nais pairalin ang makataong pagpapanagot sa mga nagkasala.
Sumainyo ang katotohanan.