9,393 total views
Humiling ng panalangin si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown para sa pagkakaroon ng mga karagdagang pastol sa mga sede vacante na diyosesis sa bansa.
Sa kanyang pastoral visit on the air sa Barangay Simbayanan program ng Radyo Veritas, ibinahagi ng nuncio na hindi madali ang pagpili ng magiging obispo sapagkat dadaan ito sa masusing pag-aaral at proseso sa Vatican.
Ipinaliwanag ng nuncio na bilang kinatawan ng Santo Papa sa Pilipinas, tungkulin nitong magsumite ng listahan ng mga pari sa Dicastery for Bishops upang pag-aralan at pagpasyahan ng Santo Papa.
“A bishop is someone who has the faith, who has lived a good life as a priest, who is a man of prayer, and who also has the ability to administer and govern a diocese,” pahayag ni Archbishop Brown sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ng nuncio na hindi madali ang tungkulin ng isang obispo dahil kaakibat nito ang malaking responsibilidad sa pamamahala at pagpapastol sa mga nasasakupan.
“To be a bishop today is basically to receive the crown of thorns. In many parts of the world, to be a bishop is simply to accept the cross and go forward,” dagdag ni Archbishop Brown.
Ipinahayag din ng Papal Nuncio na kasalukuyan niyang pinagsusumikapang mapunan ang mga bakanteng diyosesis sa bansa at humiling ng panalangin para sa paggabay ng Espiritu Santo sa pagpili ng mga karagdagang pastol.
“We have five vacant dioceses, so we’ll have more appointments before Christmas,” ayon kay Archbishop Brown.
Sa kasalukuyan, sede vacante ang mga diyosesis ng Kalibo, San Jose, Nueva Ecija, at Tagbilaran, gayundin ang apostolic vicariate ng Tabuk.
Magiging sede vacante naman ang apostolic vicariate of Jolo kung pormal nang maluklok si Archbishop Charlie Inzon sa Archdiocese of Cotabato.
Bukod dito, ilan sa mga obispo ay inaasahang magreretiro sa pag-abot ng 75 taong gulang — ang mandatory retirement age para sa mga obispo — kabilang sina Bacolod Bishop Patricio Buzon at Nueva Segovia Archbishop Marlo Peralta.
Si Bishop elect Edwin Panergo ay hinihintay na lamang ang kanyang episcopal ordination at installation sa Diocese of Boac, Marinduque na sede vacante mula pa noong 2024.