753 total views
Inaanyayahan ng humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang bawat isa na manatiling mapagbantay at patuloy na makisangkot sa mga usaping panlipunan sa kabila ng pagtatapos ng halalan.
Ayon kay Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi natatapos sa naganap na 2025 Midterm National and Local Elections noong ika-12 ng Mayo, 2025 ang kahalagahan ng partisipasyon at aktibong pakikibahagi ng bawat mamamayan sa pagbabantay sa kapakanan ng bayan.
Paliwanag ng Obispo, mas higit na kinakailangan ang partisipasyon ng bawat isa upang matiyak na magagampanan ng mga naihalal na opisyal ang tungkuling kaakibat ng kanilang posisyon sa pamahalaan.
Kabilang sa partikular na tinukoy ni Bishop Bagaforo ang pagbabantay upang maiwasan ang katiwalian, mis-information o pananaig ng kasinungalingan at maiwasan ang patuloy na pag-iral ng dinastiya sa bansa.
“Let us not retreat into silence after the ballots are counted. Let us remain engaged-amplifying our voices to call for genuine servant-leadership, the eradication of corruption, the dismantling of entrenched political dynasties, and the defense of truth in the face of disinformation.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Nagpahayag naman ng pagbati at pasasalamat si Bishop Bagaforo sa sambayanang Pilipino na aktibong nakibahagi sa katatapos lamang na 2025 Midterm National and Local Elections sa bansa.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pakikibahagi ng lahat sa kabuuang proseso ng eleksyon upang matiyak ang kaayusan, kapayapaan at katapatan ng resulta ng halalan.
Bukod sa mga botante ay partikular ding pinasalamatan ni Bishop Bagaforo ang mga guro na tuwinang nagsisilbing gabay at tagapagbantay sa katatapos lamang na halalan; ang mga pwersa ng pamahalaan na tumiyak sa kaayusan at kapayapaan ng bansa gayundin sa Commission on Elections (COMELEC) na nangangasiwa sa tuwing sasapit ang halalan.
“We commend the Filipino people for their active partiipation in this vital democratic process. We extend our appreciation to the Commission on Elections and all government agencies that supported the orderly conduct of the polls. We offer special thanks to our public-school teachers, whose commitment and dedication remain indispensable to the success of our elections.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Nagpahayag rin ng kagalakan ang Obispo sa inisyal na resulta ng halalan na maituturing na sumasalamin sa aktibong political engagement o mas higit na pagiging lantad ng bawat mamamayan sa mga usapang panlipunan sa bansa.
Partikular na ikinagalak ni Bishop Bagaforo ang tinagurian nitong youth vote na aktibong pakikisangkot at pakikilahok ng mga kabataan sa naganap halalan.
Paliwanag ng Obispo, mahalagang maging lantad ang mga kabataan sa pagsusulong ng pagbabago, kaayusan, katapatan at integridad sa pamamahala sa bansa.
“The early results of the senatorial race reflect a vibrant and diverse political engagement. It is particularly heartening to observe a relatively high voter turnout and the strong presence of the youth vote – an indication of a new generation stepping forward to shape the nation’s future. This signals not only a growing political consiousness but also a demand for accountability, integrity, and change.” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Batay sa tala ng Commission on Elections (COMELEC) 63% sa mahigit 69.6 na milyong mga rehistradong botante ang mga maituturing na kabataan na kinabibilangan ng mga Gen Z at Millennials na nasa eedad 18-taong gulang hanggang 44-taong gulang.