2,974 total views
Hinimok ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang mga kapwa pastol ng simbahan na panatilihin ang pagiging payak, pagtitipid, at pananagutan sa paggamit sa yaman ng Simbahan.
Sa kaniyang privilege speech sa 131st Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong January 25, binigyang-diin ng obispo ang pangangailangang maging huwaran ang mga obispo sa payak na pamumuhay at paggastos, lalo na sa mga pagtitipong isinasagawa sa iba’t ibang diyosesis.
“May it never be said that we have burdened our host dioceses financially or caused scandal by accepting lavish hospitality at the expense and inconvenience of the faithful,” ayon kay Bishop Varquez.
Aniya, mahalaga ang pagiging payak at matiwasay ng mga plenary assembly upang manatiling tapat ang mga pastol sa diwa ng kanilang bokasyon at misyon.
“May our CBCP plenary assemblies—especially those hosted by dioceses—be marked by simplicity, frugality, and restraint,” dagdag ng obispo
Binigyang-diin din ni Bishop Varquez na kung paiiralin ang disiplina ay hindi mararamdaman ng mga host diocese ang ‘pressure’ at mas marami ang magiging bukas na mag-host ng mga susunod na pagtitipon ng CBCP.
Kasabay nito, nanawagan din si Bishop Varquez ng mas abot-kayang mga pagpupulong at pagtitipon na inihahanda ng mga komisyon ng CBCP upang mabigyang pagkakataong makalahok ang mga maliliit diyosesis at matiyak na mas mabigyang diin ang paglahok sa mga formation programs na makatutulong sa pagpapalago ng misyon sa simbahan.
“I sincerely hope that these gatherings can be made accessible, so that even smaller and less-resourced dioceses may send participants and fully share in the life and work of the Conference,” ayon sa obispo.
Mariing itinanggi ni Bishop Varquez ang pananaw na humihina ang pagkakapatiran sa hanay ng mga obispo ng CBCP at iginiit ang kahalagahan ng pagsasabuhay ng synodality maging sa mga kapwa obispo.
“Our journey of synodality calls us to walk together, to link arms, and to help one another with humility and generosity… Even a brother bishop, whether active or retired, is never a burden, for he is our brother,” giit ni Bishop Varquez.
Hinimok din ng obispo sa kanyang talumpati ang bawat diyosesis na mag-ambag ayon sa kakayahan upang masuportahan ang operasyon at misyon ng CBCP, bilang kongkretong pagpapahayag ng pagkakaisa at sama-samang pananagutan.
“When each local Church contributes according to its capacity—even in a small way—the result is a strong and concrete expression of solidarity and shared stewardship,” saad pa ni Bishop Varquez.
Muling isinulong ng obispo ang kanyang panukala na maglaan ang bawat ecclesiastical territory ng kahit maliit na porsiyento ng kanilang yaman para sa isang common fund na magpapatatag sa misyon ng kapulungan.
Hinikayat ni Bishop Varquez ang kanyang mga kapwa obispo na pagnilayan ang panawagan sa pamamagitan ng mga panalangin, pagkakaisa, at tiwala sa paggabay ng Panginoon sa kanilang sama-samang misyon bilang mga pastol ng mananampalatayang Pilipino.




