252 total views
March 26, 2020-1:34pm
Tiniyak ng Military Ordinariate of the Philippines (MOP) na patuloy nilang ipinagdarasal ang mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagsisilbing frontliners sa mga checkpoints kaugnay na rin sa umiiral na Luzonwide Quarantine.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio ang kaligtasan ng mga frontliners kabilang na ang mga bumbero, sundalo at pulis ang kanilang pangunahing intensyon sa lahat ng misa ng may 130 miyembro ng military diocese.
“Sila ang una naming ipinagdarasal and also their families’ back home. We are praying for you,” ayon kay Bishop Florencio.
Gayundin ayon sa obispo ang kalakasan ng loob para sa kani-kanilang pamilya na nangangamba sa kanilang kaligtasan dahil sa pagtupad sa tungkulin.
“Let us be cool and be patient, this is not an ordinary task to combat. What you are doing…this is the way of showing how you love your country. It is an act of charity,” ayon pa kay Bishop Florencio.
Dagdag pa ni Bishop Florencio, ito ay hindi pangkaraniwang digmaan kung saan masusukat din ang pasensya ng bawat isa para tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan.
Tinatayang may higit sa 50 milyon katao ang naapektuhan ng lockdown sa buong Luzon bukod pa sa umiiral na pagsasara ng mga hangganan sa ilang mga lalawigan tulad ng Mimaropa, Bohol, Cebu City at Davao city.
Handa rin ang Military Diocese na magbigay tulong sa mga frontliners na pulis at sundalong nais na makapagmisa at mangumpisal.
Ito ay kaugnay na rin sa bahagi ng pananampalataya ng mga katoliko ang pagtanggap ng sakramento sa panahon ng kwaresma at Mahal na Araw na nasabay naman sa krisis ng pandemic corona virus.
“If ever they need masses and confessions ng mga frontliners just request from the chaplains we are always at your service,” ayon pa sa Obispo.
Ayon kay Bishop Florencio, handa ang kanilang hanay na magpadala ng mga priest chaplains sa mga checkpoints na nagbabantay sa mga hangganan.
Hiniling naman ng obispo sa mga pulis at sundalo na nagmamando ng mga hangganan na pairalin ang kanilang pasensya sa mamamayan na tulad nila ay nagsasakripisyo rin sa umiiral na lockdown.
Ayon sa obispo ang kanilang tungkulin ay mahalaga upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at tuluyan nang mapuksa ang pagkalat ng corona virus disesase.
Simula ika-15 ng Marso ay naglagay ng checkpoints sa iba’t ibang hangganan sa Luzon bilang bahagi ng Luzonwide Quarantine na magtatapos hanggang sa ika-14 ng Abril.