4,666 total views
Nanawagan si Pope Leo XIV para sa kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng mga bansa at relihiyon sa pandaigdigang pagtitipon ng Community of Sant’Egidio na ginanap sa Colosseum sa Roma.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga lider mula sa iba’t ibang relihiyon—Kristiyano, Muslim, Hudyo, Budista, at Hindu—bilang bahagi ng taunang Meeting for Peace: Religions and Cultures in Dialogue.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pope Leo na ang tunay na kapayapaan ay bunga ng pagkakasundo at pag-uunawaan, hindi ng digmaan o karahasan.
“We have prayed for peace according to our diverse religious traditions and we are now gathered together to proclaim a message of reconciliation. Conflicts are present in all parts of life, but war is no help in dealing with them or finding solutions. Peace is a constant journey of reconciliation,” ayon sa mensahe ng Santo Papa.
Ayon pa sa pinunong pastol, ang pananalangin at pag-uusap ang pinakamabisang daan tungo sa pagkakaisa ng sangkatauhan.
Nagbabala rin ang Santo Papa sa mga taong gumagamit ng relihiyon para bigyang-katwiran ang karahasan, at ipinaalala na ang tunay na pananampalataya ay dapat magbukas ng puso at magdala ng pag-ibig at pagkakasundo.
Kasabay ng paggunita sa ika-60 anibersaryo ng Nostra Aetate, ang dokumentong nagtataguyod ng diyalogo sa pagitan ng mga relihiyon, ipinaalala ni Pope Leo na tungkulin ng bawat tao at pinuno na itaguyod ang kapayapaan at labanan ang pagkamuhi at pagkakawatak-watak.
Nanawagan din siya sa mga lider ng pamahalaan na gampanan ang kanilang pananagutan sa harap ng Diyos sa pagtataguyod ng kapayapaan, at huwag hayaang lumaganap ang digmaan at pagkawasak.
Pinangunahan din ng Santo Papa ang pananalangin, kasabay ng pagpapaalala na ang digmaan ay hindi kailanman banal, dahil tanging kapayapaan lamang ang tunay na kalooban ng Diyos.
“War is never holy; only peace is holy, because it is willed by God,” giit pa ni Pope Leo XIV.




