34,713 total views
Nagpaabot ng ng pasasalamat ang Sanlakbay sa mga kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) Philippines at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bumisita sa tanggapan upang higit na maunawaan ang layunin ng programa.
Nakipagpulong ang spamunuan ng Sanlakbay sa mga opisyal ng nasabing ahensya noong ika-18 ng Setyembre, 2025 na layuning higit na maunawaan ang misyon nitong gabayan ang mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot tungo sa paggaling at pagbabalik-loob sa pamayanan.
Ayon sa pamunuan ng Sanlakbay na pinangangasiwaan ni Rev. Fr. Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, Priest-in-Charge ng Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila na nangangasiwa sa programang SANLAKBAY sa Pagbabago ng Buhay, ang presensya ng UNODC at PDEA ay patunay ng pagpapahalaga at suporta sa mga inisyatibong nakaugat sa pagkakaisa ng pamahalaan, internasyonal na komunidad, at Simbahan para tugunan ang suliranin sa droga—hindi lamang sa aspeto ng batas, kundi higit sa lahat, sa pagbibigay ng pag-asa at bagong buhay.
“We extend our gratitude to the representatives from the United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) Philippines and the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) who visited Sanlakbay to learn more about the program and its mission of guiding participants toward healing and community reintegration.” Bahagi ng mensahe ng Sanlakbay.
Layunin ng Sanlakbay na magbigay ng holistikong suporta kabilang na sa pisikal, sikolohikal, at espirituwal—para sa mga dating nalulong sa ipinagbabawal na gamot, upang muling maituwid ang kanilang buhay at makapagsimula ng panibagong yugto bilang kapaki-pakinabang na miyembro ng lipunan.
Opisyal na inilunsad ang Catholic Church-based drug rehabilitation program na SANLAKBAY para sa Pagbabagong Buhay noong ika-23 ng Oktubre taong 2016 sa pangunguna ni dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang tugon ng Simbahan sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa illegal na droga at pagdideklara ni Pope Francis noong 2016 ng Year of Mercy.
Bahagi rin ng rehabilitation program ng SANLAKBAY ang pagbibigay ng paralegal assistance, livelihood training, medical assistance at religious studies tulad ng Bible study at catechesis upang makapagbalik loob ang mga drug surrenderers.




