167 total views
Tiniyak ng Archdiocese ng Cebu sa magulang ng mga dumadalo sa National Youth Day ang kaligtasan ng mga kabataang delegado.
Ito ayon kay Cebu Archdiocesan Youth Ministy Fr. Mark Barneso sa panayam ng Radio Veritas.
Nilinaw ng pari na walang nakatakdang power at signal interruption sa buong limang araw ng pagtitipon habang 24 oras din ang pagbabantay ng pulisya sa mga lugar kung saan isasagawa ang programa ng mga kabataan.
“Walang signal and power interruption. We are very safe here because the PNP and all the agencies are very supportive to us, 24 hours ang bantay nila sa amin. I am informing all the parents that– don’t worry we are all safe here in Cebu,” ayon kay Fr. Barneso.
Sa tala, higit sa 12 libo ang bilang ng mga delegado at limang libo naman ang mga volunteers na mula sa 86 na diyosesis sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Itinaas na rin ng Central Visayas Police sa red alert status ang lalawigan ng Cebu para tiyakin ang kaligtasan ng mga delegadong kabataan at iba pang mga panauhin na makikiisa sa pagtitipon.
Tampok sa pagtitipon ang Youth Festival sa Metro Cebu sa temang: I am the Servant of the Lord, may it be done to me according to Your Word.
Ang pagdiriwang ng NYD 2019 ay nakapaloob sa pagdiriwang ng Year of the Youth ng simbahan ng Pilipinas bilang paghahanda sa ika-500 anibersaryo ng kristiyanismo sa Pilipinas sa taong 2021 na gaganapin din sa Cebu.