235 total views
Silakbo, o sa ingles, surge, kapanalig, ng COVID cases dahil sa Delta variant ang mistulang nagbabanta sa National Capital Region. Ayon nga sa OCTA Research group, pataas na ang bilang ng mga COVID 19 cases – 47% na ang tinaas nito mula July 19 hanggang 25 kumpara sa nakaraang linggo. Kaya’t inuudyukan na ng grupo ang pamahalaan na magpatupad na ng circuit breaker upang matigil ang pagdami pa ng mga kaso para maiwasan natin ang nararanasan ng ating mga karating bansa ngayon gaya ng Indonesia at Malaysia.
Kapanalig, nauunawaan natin na kailangan nating tuluyang mabuksan ang ekonomiya upang makabangon naman tayo sa resesyon na nagpapahirap sa marami nating mamamayan. Kaya lamang, dapat din nating isa-isip na nakatali sa ating maayos na pamamahala o management ng pandemya ang ekonomiya ng bayan. Kung palpak tayo dito, palpak din tayo doon. Ang ating potensyal sa mabilis na pagbangon ay hindi natin maaabot kung hindi matutugunan ng pamahalaan natin ang mga pangunahing isyu ng pandemya. Ayon nga sa Mater et Magistra, “A sane view of the common good must be present and operative in men invested with public authority.” Kailangan nilang isaalang-alang ang mga kondisyon na pabor sa tunay na kabutihan ng mga mamamayan.
Unang-una, hindi natin dapat hayaan na muling mabulunan ang ating health care system. Ang exponential increase na maaring mangyari dahil sa iba-ibang variants of concern ay maaring hindi natin kayanin, lalo na sa mga ibang rehiyon ng bansa.
Ang mabilis na pagbabakuna ay dapat ding maisakatuparan sa lalong madaling panahon upang mabawasan ang transmisyon sa bansa. Atin ng nakikita na mas marami nang nagnanais na magpabakuna ngayon, at pumipila kahit pa umulan at umaraw para lamang dito. Kailangan nating masigurado na sapat ang suplay hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa iba pang mga lugar.
Ang problema ng bakuna at pagdami ng kaso ay may kaakibat na mga logistics at budget issue. Gaya na lamang ng problema ng supply, distribution at storage. Ang mga ito ay hindi lamang mga lokal na isyu, ito ay problemang kinakaharap ng nasyonal na pamahalaan din. Masalimuot ito, ngunit kailangan nilang harapin.
Kapag inepektibo tayo kapanalig, sa pagtugon sa mga isyung ito, mas lalong tatagal ang mga restrikyon sa ating pag-galaw, at maaring magdulot pa ng mas matingkad na silakbo ng mga COVID 19 cases. Sa kalaunan, mas lulubog ang ekonomiya ng bayan. Napakalaking hamon ito, kapanalig, at kailangan nito ng tulong ng lahat. All hands on deck, ika nga. Sa matinong pamumuno, sigurado, ang mga mamamayan ay makikiisa at mabilis na tutugon sa anumang bagong hamon na dala ng pandemya.
Sumainyo ang Katotohanan.