430 total views
Ibinahagi ni Fr. Angel Cortez, OFM ang kanyang karanasan ngayong isinasagawa ang United Nations Climate Change Conference of Parties o COP26 Summit sa Glasgow, Scotland.
Ayon kay Fr. Cortez, Vice Director ng Justice, Peace, and Integrity of Creation (JPIC) Office sa Rome, Italy na napakaganda ng pagsisimula ng COP26 Summit dahil sa mga pahayag mula sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa hinggil sa usapin sa pagpapanatili ng kalikasan.
Ilan sa mga influential world leaders na dumalo sa summit ay sina United States President Joe Biden, United Kingdom Prime Minister Boris Johnson, at kinatawan ni Pope Francis na si Vatican Secretary of State, Cardinal Pietro Parolin.
Sinabi ni Fr. Cortez na malinaw na ipinaparating sa mensahe ng Santo Papa na mahalagang bigyang-pansin sa COP26 Summit ang kapakanan hindi lamang ng kalikasan, kundi lalo’t higit ng mga mahihirap na lubos na apektado ng mga pagbabagong nangyayari sa kapaligiran.
Gayundin ang paghihikayat sa mga mananampalataya na huwag nang pairalin at sa halip ay sikaping baguhin ang ugaling makasarili nang sa gayon ay hindi makaapekto sa nilalayon ng COP26 na ecological conversion.
“Napaka-strong ng message ng Santo Papa. Ang sabi niya: ‘We need to have radical decisions. We need to think people who are really impacted by climate change and we will do this together’… Tapos sabi pa niya tanggalin na natin ‘yung espiritu ng pagiging makasarili kasi kung ‘yun ‘yung paiiralin natin, hindi talaga natin maa-attain ‘yung goal ng COP26,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cortez sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, kabilang rin sa mahalagang tinatalakay ngayon sa summit ang Paris Agreement na ang layunin ay mapanatili sa 1.5 degrees Celsius ang temperatura ng mundo sa taong 2030.
Paliwanag ni Fr. Cortez na pinag-aaralan ngayon ang posibilidad na gawin nang 1.7 degrees Celsius ang target na limitasyon para sa global warming dahil sa patuloy na paglala ng pag-init ng mundo.
“I heard they’re compromising to 1.7 [degrees Celsius]. E ‘yung 1.5 [degrees Celcius] medyo tagilid na kasi kapag nangyaring umangat pa ‘yun, ‘yung mga vulnerable countries like ‘yung bansa natin, lalo pang maaapektuhan. Tulad tayo, mayroon tayong minimum of 20 typhoons every year. So, imagine kung maging 1.7 [degrees Celsius] baka dumami pa because of climate change,” paliwanag ni Fr. Cortez.
Maiuugnay sa patuloy na pagbabago ng klima ng mundo ang naging epekto ng Super Typhoon Yolanda na nanalasa sa Pilipinas noong Nobyembre 8, 2013, partikular na sa Eastern Visayas Region.
Nag-iwan ito nang malaking pinsala sa kapaligiran na kumitil sa buhay ng higit sa 6,000-katao at higit sa 1,800 naman ang kasalukuyan pa ring nawawala.
Magugunita sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco na hinikayat nito ang bawat mamamayan na simulan sa pagbabago ng lifestyle ang ecological conversion na kinakailangan ng mundo, at dito naman magmumula ang community conversion o pagkakaisa ng bawat komunidad para sa iisang adhikaing pangalagaan ang sangnilikha.




