12,053 total views
Mariing kinondena ni Infanta Bishop Dave Dean Capucao ang malalim at sistemikong katiwalian sa lipunan, kasabay ng panawagan sa Simbahan at sa sambayanan na ibalik sa sentro ang awa, katarungan, at malasakit, lalo na para sa mga nasa laylayan.
Sa kanyang homiliya sa banal na misa na ginanap sa Immaculate Conception Cathedral sa ikalawang araw ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) 131st Plenary Assembly, pinagnilayan ni Bishop Capucao ang Ebanghelyo ni San Marcos tungkol sa lalaking may “withered hand” na humingi ng kagalingan kay Hesus.
Ayon sa obispo, ang “withered hand” ay hindi lamang pisikal na karamdaman kundi malinaw na larawan ng pagkabulok ng moralidad sa kasalukuyang panahon, lalo na sa gitna ng laganap na pandarambong sa kaban ng bayan at katiwalian sa pamahalaan.
“Sana nga, mabulok ang mga kamay ng mga nagnakaw ng kaban ng bayan. Maraming kamay ang nabubulok kasi systemic na ang pagnanakaw. Pero kailangan itong pagalingin. Kailangan ng lumapit kay Jesus upang humingi ng kagalingan. Kasama sa pagpapagaling ng kamay ay ang pagpapagaling ng puso,” pahayag ni Bishop Capucao.
Binigyang-diin ng obispo na ang pagpapagaling na itinuturo ng Ebanghelyo ay hindi lamang personal kundi panlipunan, at nangangailangan ng sama-samang pagbabagong-loob upang tugunan ang mga ugat ng kagutuman, pagdurusa, at pagkakait ng katarungan.
Iginiit din ng obispo na hamon ito hindi lamang sa lipunan kundi maging sa Simbahan kung ang mga alituntunin at pamumuno ay tunay na nagiging daluyan ng habag, o nagiging hadlang sa pag-ibig na hinihingi ng Ebanghelyo.
“Are we allowing fear of institutional norms to stifle the inherent call to radically love those in need? Let us remember that love is the heart of our ministry. To love Christ deeply means we must dare to extend that love to His people, especially the marginalized,” ani ng obispo.
Bilang kongkretong halimbawa ng pamumuhay ng Ebanghelyo, ibinahagi ni Bishop Capucao ang karunungan ng mga Dumagat sa Prelatura ng Infanta, na sumasalamin sa isang kulturang nakasentro sa pagbabahagi at kabutihang panlahat, taliwas sa umiiral na indibidwalismo.
“The Dumagat understand that resources are not a privilege, but blessings meant for the sustenance of all,” ani ng obispo.
Binanggit din niya ang pananaw ng dating obispo ng Infanta na si Bishop Julio Labayen, na ang mga katutubo ay hindi lamang tinutulungan ng Simbahan kundi nagsisilbing guro rin ng pananampalataya.
“The Dumagat are the principal heirs of the Kingdom, with the potential to evangelize all nations and the Church as a whole,” ayon kay Bishop Capucao.
Tinalakay rin ni Bishop Capucao ang mga panganib ng makabagong teknolohiya, partikular ang artificial intelligence, sa konteksto ng pastoral na paglilingkod, at iginiit na walang teknolohiya ang maaaring pumalit sa pusong may malasakit.
“AI can stimulate conversation, intimacy, vulnerability, and empathy in language, but it cannot be a shepherd with a heart,” babala ni Bishop Capucao.
Hinimok ng obispo ang Simbahan na patuloy na lumabas at makipamuhay sa mga tao lalo na sa mga mahihirap at naisasantabi ng lipunan upang manatiling buhay at tapat sa misyon ni Kristo.
Katuwang ni Bishop Capucao sa pagdiriwang ng banal na misa sina Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo at Legazpi Bishop Joel Baylon.




