11,273 total views
Traslacion sa loob ng higit 30 na oras: Nuestro Padre Jesus Nazareno, nakabalik na ng simbahan ng Quiapo
Ganap na alas-10:49 ng umaga nang tuluyan nang makauwi sa kaniyang tahanan sa Quiapo Church o Minor Basilica of Jesus Nazareno- ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, matapos ang 29 na oras na prusisyon.
Sa ulat, ganap na alas 3:58 ng umaga ng Jan. 9 nang umusad palabas ng Quirino Grandstand ang andas lulan ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno at nakarating sa Quaipo Church sa ganap na 10:49 ng umaga ng Sabado, Jan. 10.
Ang prusisyon ay inabot ng higit 30-oras ang pinakamatagal na prusisyon sa kasaysayan ng Traslacion.
Una na rin humiling ng panalangin si Fr. Ramon Jade Licuanan-rector at parish priest ng Quiapo Church sa publiko at mga kapwa deboto para sa kaligtasan ng bawat isang nakikibahagi sa prusisyon, gayundin ang maluwalhating pagbabalik ng imahe sa loob ng kaniyang dambana sa Quiapo.
“I would like to ask and appeal to everyone, please say a little prayer na hindi na mag-increase yung number of casualties and then makabalik yong andas dito sa simbahan and most specially makabalik ang mga kadeboto natin nang ligtas sa kani-kanilang pamilya. Sa kani-kanilang tahanan.”
Ang pahayag ni Fr. Licuanan ay kaugnay naging panandaliang tensyon sa Traslacion matapos ipagpatuloy ng mga Hijos del Nazareno at mga deboto na hilahin ang andas patungong Quiapo Church, sa kabila ng naunang anunsyo na pansamantalang munang mananatili ang andas sa Minor Basilica of San Sebastian.
Gayunman, ilang sandali matapos ang anunsyo, muling hinila ng mga Hijos del Nazareno at mga deboto ang andas upang ipagpatuloy ang ruta patungong Quiapo Church.
Ipinaliwanag ni Fr. Licuanan na ang desisyon ay kaugnay na rin sa rekomendasyon ng mga kasamang namamahala sa Traslacion, kabilang na ang pamahlaan ng Maynila, Department of Health, Armed Forces of the Philippines at iba pang stakeholders.
“We were informed this morning ng Department of Health na medyo ang resources natin in terms of people, doctors, and all the medical professionals and volunteers medyo pagod na rin po. I mean, it is easy to understand; it’s been more than 24 hours already. And I have to take courage to take the microphone,” ayon kay Fr. Licuanan.
Dagdag pa ng pari, “It’s a very beautiful spiritual exercise. You’re able to express your faith in God and devotion to God. But mind you, God is also after the welfare of our body, our physical body. Gift din ng Panginoon ‘yan.”
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Fr. Robert Arellano, tagapagsalita ng Traslacion 2026 na umaabot na sa 1,700 ang naitalang medical cases, kung saan dalawa sa bilang ang nasawi.
“For the record, ito po ang confirmed records at this time point in time. We have 1,700 cases, two of which, it was confirmed, are death cases,” ayon kay Fr. Arellano.
Ito ay bukod pa sa photo journalist na si Iton Son, na nasawi dahil sa atake sa puso sa Quirino Grandstand.
Ayon pa kay Fr. Arellano, sa kasalukuyan ay inaalam pa ng pamunuan ng Quiapo ang ibang detalye kaugnay sa mga naitalang nasawi at nasaktan.
Sa inisyal na ulat, tinatayang may limang milyong deboto ang nakiisa sa pista na nagsimula sa Quirino Grandstand at nagtatapos sa Quiapo Church.
Ito ang kauna-unahang pista ng Nazareno sa ilalim ng pamumuno ni Fr. Licuanan na itinalaga bilang rector at parish priest ng Quiapo noong Jan. 29, 2025. Si Fr. Licuanan ang humalili kay Fr. Jun Sescon na itinalaga namang bilang obispo ng Balanga.




