337 total views
Mga Kapanalig, ayon sa Department of Health o DOH, bawat araw ay may tinatayang 29 na bagong kaso ng HIV ang naitatala sa ating bansa. Ang HIV o human immunodeficiency virus ay isang virus na sanhi ng acquired immunodeficiency syndrome o AIDS, isang kundisyon kung saan humihina ang kakayahan ng katawan ng isang tao na labanan ang mga sakit at impeksyon.
Ang nakababahala, 8 sa bawat 10 Pilipinong may HIV ay mga kabataang nasa pagitan ng 15 at 24 na taóng gulang. Epidemya na ngang maituturing ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng HIV dito sa Pilipinas, lalo pa’t pabata nang pabata ang edad ng mga tinatamaan nito. Ang hindi paggamit ng proteksyon sa pagtatalik o pakikipag-sex ang sinasabing pangunahing sanhi ng paglaganap ng HIV sa mga kabataan, kaya’t ang naisip na solusyon ng DOH ay ang pamumudmod ng condom sa mga mag-aaral sa high school.
Ngunit ang isyung pangkalusugan na ito ay hindi lamang tungkol sa hindi paggamit ng condom. Ang problema ay nakaugat sa mga pananaw ng ating mga kabataan tungkol sa kanilang katawan, sekswalidad, at pakikipag-relasyon.
Marami sa atin ang mabilis magtaas ng kilay o naiiskandalo sa tuwing nakaririnig tayo ng mga balita o kuwento tungkol sa mga kabataang may karanasan na sa pakikipagtalik. Huwag na po nating ikaila ang katotohanang maraming kabataan ngayon ang nahihimok na gawin ang mga bagay na, para sa marami, ay hindi nila dapat ginagawa—gaya ng pakikipagtalik sa murang edad. Delikado naman po talaga ang ganitong pag-eeksperimento ng mga kabataan sa kanilang katawan dahil maaari silang kapitan ng sexually transmitted infections (gaya ng HIV/AIDS) o kaya naman ay magbunga ng hindi planadong pagbubuntis na peligroso sa mga kabataang babae.
Ngunit maaaring hindi lubusang nauunawaan ng mga kabataan—maging ng mga nakatatanda—ang malalim na kahulugan ng pakikipagtalik, lalo na sa konteksto ng ating pananampalataya. Ang pakikipagtalik ay isang gawaing inilalaan lamang sa mga mag-asawa. Hindi ito isang bagay na ginagawa upang pawiin ang tawag ng laman. Ang sexual act ay isang pagpapahayag ng pagmamahal ng mag-asawa sa isa’t isa, at ito ay may kaakibat na kabukasan sa pagkakaroon ng supling o procreation. Ang pakikipagtalik ay ang pakikilahok nating mga tao sa patuloy na gawain ng paglikha ng ating Diyos, kaya’t ito ay dapat na pinahahalagahan.
Nakalulungkot na hindi ganito ang pagtingin ng mga kabataan ngayon sa sex. Sa datos mula sa 2013 Young Adults Fertility and Sexuality Survey, isa sa bawat tatlong kabataang edad 15 hanggang 24 ay nakipagtalik na nang hindi pa ikinakasal. Ito po ang tinatawag nating premarital sex. Walang layuning makalikha ng buhay ang premarital sex dahil ito ay kadalasang ginagawa upang ipakita ang lakas o kapangyarihan sa isang relasyon, upang pag-eksperimentuhan ang sekswalidad, o upang maging “in” sa barkada.
Ayon nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan, tayo ay nasa isang lipunang namamayani ang kani-kaniyang pagpapakahulugan sa pag-ibig at sekwalidad, gayundin ang pagpapatingkad sa mabababaw na aspeto ng mga ito sa halip na ang kanilang malalim na halaga o fundamental values. Dahil dito, kailangan nating ipahayag at patotohanan na ang tunay na pag-ibig ay ang pagbibigay ng buong sarili at pagiging matapat sa taong minamahal—a full and total gift of persons.
Marami pang kailangan gawin sa larangan ng sexuality education para sa ating mga kabataan. Ito ay dapat na pagtulungan ng mga magulang, paaralan, ng media, at maging ng Simbahan. Hindi lang ito tungkol sa pagtuturo ng mga pisikal o sekswal na pagbabago sa katawan ng isang tao. Itinuturo rin dapat ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, responsableng pakikipag-relasyon, ang panganib ng premarital sex, at ang kahalagahan ng kasal, pagtataya, at katapatan.
Sumainyo ang katotohanan.