1,891 total views
Inilabas na ng Vatican ang mga gawain sa unang Apostolic Journey ni Pope Leo XIV sa labas ng Italya.
Magtutungo ang Santo Papa sa Türkiye at Lebanon mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2, 2025, bilang paggunita sa ika-1700 anibersaryo ng Unang Konseho ng Nicea.
Ayon sa inilabas na ulat ng Vatican, magsisimula ang paglalakbay ng Santo Papa sa Ankara, Türkiye, kung saan makikipagpulong siya kay President Recep Tayyip Erdogan at sa mga kinatawan ng pamahalaan, matapos ay magtutungo sa Istanbul, ang pinakamalaking lungsod ng bansa.
Sa Nobyembre 28, makikipagkita si Pope Leo XIV sa mga obispo, pari, at layko sa Cathedral of the Holy Spirit, at bibisita rin sa mga matatanda sa tahanan ng Little Sisters of the Poor na susundan naman ng pagbisita sa Nicea, kung upang dumalo sa ecumenical prayer service malapit sa mga puntod ng sinaunang Basilica of Saint Neophytos.
Sa mga susunod na araw, inaasahang makikipagpulong ang pinunong pastol sa mga pinuno ng iba’t ibang simbahang Kristiyano, kabilang ang Ecumenical Patriarch Bartholomew I, upang lumagda sa Joint Declaration bilang simbolo ng pagkakaisa ng pananampalataya. Magdiriwang din ng Banal na Misa ang Santo Papa sa Volkswagen Arena sa Istanbul.
Sa Nobyembre 30, kasabay ng kapistahan ni San Andres Apostol, dadalo si Pope Leo XIV sa Divine Liturgy sa Patriarchal Church of Saint George at makikibahagi sa ecumenical blessing.
Pagkatapos sa Türkiye, tutungo ang Santo Papa sa Beirut, Lebanon at makikipagkita siya sa mga pangunahing opisyal ng bansa at magbibigay ng mensahe para sa mga pinuno ng pamahalaan at lipunan.
Sa Disyembre 1, bibisita si Pope Leo XIV sa puntod ni San Charbel Maklūf at sa Shrine of Our Lady of Lebanon sa Hariss.
Sa hapon, pangungunahan niya ang ecumenical at interreligious meeting sa Martyrs’ Square at makikilala rin ang kabataang Lebanese sa Bkerké.
Sa huling araw ng biyahe, Disyembre 2, dadalawin ng Santo Papa ang mga pasyente sa De La Croix Hospital, at mananalangin sa lugar ng Beirut Port explosion noong 2020 bilang paggunita sa mga nasawi.
Magtatapos ang paglalakbay sa isang Banal na Misa sa Beirut Waterfront, bago bumalik si Pope Leo XIV sa Roma sa hapon ng Martes.




