5,082 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Vatican sa gaganaping 8th Buddhist-Christian Colloquium sa Phnom Penh, Cambodia.
Ito ay inisyatibo ng Dicastery for Interreligious Dialogue katuwang ang Buddhist universities and monasteries at ang Bishops’ Conference of Cambodia na gaganapin sa May 27 hanggang 29 sa temang ‘Buddhists and Christians Working Together for Peace through Reconciliation and Resilience.’
Ayon sa pahayag ng Vatican tinatayang 150 ang mga delegado sa pagtitipon mula sa 16 na bansa Asya kasama ang Federation of Asian Bishops’ Conferences na sama-samang magnilay at isulong ang dayalogo bilang paraan ng pagtataguyod ng kapayapaan sa bawat rehiyon sa mundo.
“In a world ravaged by conflict and violence, this colloquium is a timely reminder of the power of religion not only to prevent violence but also to foster healing, reconciliation, and resilience,” ayon sa pahayag ng Vatican.
Ito rin ay batay sa mga pinasimulang gawain ni His Holiness Maha Ghosananda na dating supreme leader ng Cambodian Buddhism at tanyag na peace advocate.
Tatalakayin sa nasabing pagtitipon kung paano makatutulong ang sacred texts, spiritual teachings at iba pang karanasan para maisulong ang paghilom at pag-asa sa lipunang nababalot ng iba’t ibang karanasan sa kasalukuyang panahon.
“The colloquium continues a tradition of fostering mutual understanding and strengthening cooperation between Buddhists and Christians in the service of peace,” dagdag ng Holy See Press Office.
Huling ginanap ang colloquim noong November 2023 sa Bangkok, Thailand na nakatuon naman sa sama-samang pagkilos tungo sa paghilom ng sangkatauhan at sanlibutan.