3,680 total views
Bagama’t nanatili pa rin sa Supreme Court ang apela kaugnay sa impeachment proceedings na una na ring in-archive ng Senado, pinaiimbestigahan naman ng Tindig Pilipinas si Vice President Sara Duterte sa tanggapan ng Ombudsman.
Ang Tindig Pilipinas ay isang koalisyon ng mga civic at church group, at political party na nanawagan ng pananagutan para sa transparency, pananagulan at paglaban sa korupsyon-ay ang parehong grupo na nagsampa ng kasong impeachment laban kay Duterte sa Mababang Kapulungan.
Sa tatlong pahinang reklamo na isinumite sa tanggapan ng Ombudsman ng Tindig Pilipinas na pinangunguhan ng mga convenors kabilang na si Francisco ‘Kiko’ Aquino Dee, hiniling ng grupo kay Justice Secretary Jose Crispin Remulla ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa bise presidente, kaugnay na rin sa mga paglabag nito base sa impeachment complaint.
Kasama sa mga paratang laban kay VP Duterte ang paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan para paslangin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Unang Ginang, at si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez; maling paggamit at paglustay ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education; at pagkakasangkot sa mga kaso ng graft, bribery, at unexplained wealth.
“The totality of respondent’s conduct as Vice President, including her commission of the foregoing acts, clearly display conduct constituting a betrayal of public trust, culpable violations of the 1987 Constitution, and graft and corruption,” ayon pa sa isimuteng reklamo.
Dagdag pa ng grupo, malinaw na nagpapakita ng pang-aabuso sa kapangyarihan ang mga alegasyon kaya’t marapat na kumilos ang Ombudsman upang mapanagot ang sinumang lumalabag sa batas.
Ayon pa sa grupo, “In this moment, when faith in our institutions has been deeply eroded, it is imperative for your Office to help the Filipino people demand much-needed accountability from those in public office. We strongly implore you to initiate a comprehensive and impartial investigation into these grave matters, not only to uphold the rule of law, but to begin the vital work of restoring public trust.”
Giit ng grupo, hindi dapat manahimik ang sambayanan sa harap ng mga ganitong kontrobersiya at nananawagan silang magsagawa ng malalim, patas, at komprehensibong imbestigasyon ang Office of the Ombudsman upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.