3,116 total views
Tiniyak ng Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) ang paghahanda para sa nalalapit na World Day of the Poor sa Nobyembre.
Ayon kay LASAC Executive Director Father Jayson Siapco, bilang paghahanda ay itutuon ang pagtugon sa krisis ng malnutrisyon at education poverty na pinapahirapan ang maraming kabataan sa Pilipinas.
Isinusulong din ng Arkidiyosesis ng Lipa ang pagkakaroon ng Conference o malawakang pagtitipon upang pag-usapan kasama ang mga stakeholders ang pagtugon sa malnutrisyon at pagkamangmang ng mga bata.
“Ito na ang ika-siyam na taon ng World Day of the Poor at sa ika-siyam na taon na pinagdiriwang ang World Day of the Poor sa Archdiocese of Lipa, so this year ang initial plan namin is to respond doon sa issue na high time ngayon in view of the result of the EDCOM 2 na research especifically on stunting and in the early child school development recently lang nagpalabas ang ating CBCP patungkol dito sa usaping ito, this was also presented sa kanila, kaya sa Archdiocese ng Lipa, ang isang malaking pinaplano namin aside from the Parish celebration on November 16, probably towards the end of November,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Siapco.
Ayon para sa Pari, ang pagtutuon ng pansin sa mga suliranin ay bahagi ng pinaigting na paglaban ng simbahan sa dalawang suliranin matapos umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pamahalaan na tugunan ang suliranin sa malnutrisyon na patuloy pading nararanasan ng madaming bata na naghahantong sa stunting o pagkabansot ng mga bata.
Bahagi rin ito ng kampanya na layuning paigtingin ang paghubog sa mga kabataan bilang maayos at huwarang mamamayan sa kanilang paglaki.
“Sabi nga namin nung nagkakaroon kami ng brainstorming, yung mga bata natin ngayon ay mayroong ganitong sitwasyon, nakakabasa pero hindi nakakaunawa, paano ang ating mga voters education pagdating ng panahon? paano ang ating gospel or gospel proclamation, maaring marunong silang bumasa pero hindi nila nauunawaan, maaring nagtuturo tayo ng voters education pero wala tayong nakikitang pagbabago kasi yung dapat na mayroon na simulan ng pagbabago para sa isipan ng mga mamamayan kulang at hindi natugunan.” ayon pa sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Siapco.
Ngayon taong, itinalaga ng Vatican ang ika-siyam na pagdiriwang ng World Day of the Poor sa temang “You are my hope”.
Binigyang-diin ni Pope Leo XIV sa kanyang mensahe para sa World Day of the Poor na ang tunay na pag-asa ay matatagpuan lamang sa Diyos at hindi sa yaman o kapangyarihan, habang ang mga mahihirap mismo ang nagiging saksi ng matatag na pananampalataya sa kabila ng kawalan.