4,284 total views
Naniniwala si Jesuit Priest Fr. Marlito Ocon, head chaplain ng University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH), na hindi sapat ang pagkakaroon ng “zero-balance billing program” upang malutas ang malalim na suliranin sa sistemang pangkalusugan ng bansa.
Ang “zero-balance billing” ay ang bagong ipinatutupad na polisiya kung saan hindi na magbabayad ng dagdag ang mga pasyente sa mga ospital na sakop ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Fr. Ocon, bagamat nakatutulong ito para sa gastusin ng mga pasyente, hindi naman nito tinutugunan ang pisikal at operasyonal na kakulangan ng mga ospital.
Dagdag pa ng pari, dapat tiyakin na may sapat na pasilidad at kwalipikadong tauhan ang mga lokal na ospital upang hindi maipon ang mga pasyente sa PGH, na ngayo’y nakararanas ng matinding siksikan.
“I think what we need if we are really serious about solving our healthcare problems is not only having a ‘zero-balance billing program’, but also adding more spaces, more beds, more equipment, more nurses and more competent doctors in other local government hospitals so that they will not be flooding to PGH,” ayon kay Fr. Ocon sa kanyang Facebook post.
Pagbabahagi ni Fr. Ocon, umabot na sa mahigit 240 adult patients at higit 60 pediatric patients ang nasa loob ng Emergency Room (ER), hindi pa kabilang ang mga nakapila sa labas.
Noong mga nakaraang araw, umabot sa 350 pasyente ang sabay-sabay na nasa ER, lagpas sa kapasidad nito na 70 pasyente lamang.
Dahil dito, idineklara ng PGH ang Code Triage bilang tugon sa overcapacity, kung saan tanging mga pasyenteng nasa malubhang kalagayan o life-threatening cases lamang ang tinatanggap.
“As per PGH recommendation, all hospitals, clinics, ambulances and doctors are advised to refrain from bringing new patients to UP-PGH, and instead bring them to other [Department of Health] accredited hospitals,” pagbabahagi ni Fr. Ocon.
Una nang tinukoy ni PGH Spokesperson at Public Affairs coordinator, Dr. Jonas del Rosario, na kabilang sa mga dahilan ng biglaang pagdagsa ng mga pasyente ay ang nagdaang masamang panahon at pagbaha na nagdudulot ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis, pulmonya, sepsis, stroke, at komplikasyon ng mga malalang sakit tulad ng diabetes, sakit sa puso, at sakit sa bato.
Tiniyak naman ng DOH na may 20 pampublikong ospital sa National Capital Region na handang tumanggap ng pasyente.
Kabilang dito ang mga ospital sa Lungsod ng Maynila – Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Tondo Medical Center, San Lazaro Hospital, at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital; at sa Quezon City – East Avenue Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Orthopedic Center, at Quirino Memorial Medical Center.
Tumatanggap din ng mga pasyente ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Caloocan City; Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center sa Las Piñas City; San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Malabon City; Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina City; Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa City; Valenzuela Medical Center sa Valenzuela City; National Center for Mental Health sa Mandaluyong City; at Rizal Medical Center sa Pasig City.
Samantala, ang mga GOCC Hospital naman na handang tumanggap ng pasyente ay ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, at Philippine Children’s Medical Center.
Paalala naman ng DOH sa publiko na bago magtungo sa ospital, mainam na makipag-ugnayan muna sa DOH Metro Manila Center for Health Development sa mga numerong 0956-175-3710 o 0920-251-1800.