158 total views
Labis ang panalangin sa Panginoon ni dating CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na gabayan ang sambayanang Filipino ngayong halalan at sa pagtatapos nito.
Ayon sa Arsobispo, nawa’y matanggap ng magkabilang panig kung sino ang mananalo sa halalan upang maiwasan ang kaguluhan.
“Panginoon naming Diyos, ikaw po ang lumalang sa amin, sa inyo po kami galing at sa inyo rin kami dapat bumalik, habang narito kami sa lupa sana po gabayan po ninyo kami, kung nagpapasan kami ng krus sana makaya namin hanggang sa kahuli-hulihang pupuntahan nito, mahal mo po kami kaya di ninyo kami pababayaan, umaasa kami na habang kami ay naghihirap mas lumalapit kayo sa amin, ngayon may mga pagdududa kami sa maraming bagay, sana matapos ang lahat ng ito at pagkatapos magkabati-bati kami at magbubunyi kami…” panalangin ni Archbishop Cruz.
Kaugnay nito, inihayag ng Arsobispo na lahat ng halalan, ngayon lamang siya natatakot sa magiging resulta dahil sinumang mananalo sa kaliwa at sa kanan (taga Malacanang o taga Davao) tiyak na may kaguluhan.
“Yan ang madaling sabihin na tanggapin natin, pero mukhang yan ang hindi mangyayari lalo na ang mga taga kaliwa, hindi papayag ang mga taga kanan- sa pulong narinig ko yun at nauunawaan ko sila…” ayon pa kay Archbishop Cruz.
Kaugnay nito, walang agam-agam din na sinabi ng arsobispo, na posibleng magkaroon ng dayaan sa resulta ng halalan partikular na sa transmission ng mga boto sa National level.
“Tama po yun. Mula sa 2 partido, walang magpapatalo, kapag natalo ang kabila, tatayo yung isa, wala pong bigayan ito, ang problema hindi naman yung presinto, kundi ang transmission mula sa presinto patungong national level sa PICC, doon maraming magic at nasasabi ko ito, may isang grupo sa Metro Manila na 20 taong mahigit mga IT experts ang mga ito, sinasabi nilang mahirap mangyari na walang magaganap na dayaan in the higher level, it is not in the precinct level, the precinct is ok sa local kahit paano kontrolado pero paglipat sa national andoon na ang inaaahang malaking dayaan, sana nga walang dayaan, komo marurumong sila sa mga IT nakkikinig ako sa kanila.
Nasa 54.6 milyon ang rehistradong botante na dumadagsa ngayon sa mga presinto sa bansa.
Una ng nanawagan ang Simbahang Katolika sa mga botante na bumoto ng naaayon sa kanyang konsensiya at huwag ibenta ang boto.