56 total views
Hinimok ng mga opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na gabayan ng holy spirit ang mga Cardinal electors sa pagpili ng susunod na Santo Papa ng mahigit sa 1.4-bilyong Katoliko sa mundo.
Inaanyayahan ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang mga mananampalataya na magkaisa sa pananalangin at sakripisyo habang isinasagawa ang Conclave o ang pagpupulong ng mga kardinal para sa pagpili ng susunod na Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Bishop Mangalinao, ang Conclave ay hindi lamang pagboto, kundi isang espirituwal na paglalakbay kung saan ang mga kardinal ay sabay-sabay na mananalangin at mag-aayuno upang humingi ng patnubay ng Espiritu Santo sa kanilang mahalagang desisyon.
Binigyang-diin ng obispo na ang paghirang sa bagong Santo Papa ay isang sagradong tungkuling may malalim na pananagutan para sa buong kawan ng Diyos.
“Sa pamamagitan ng ating sama-samang panalangin at sakripisyo, ay patuloy nating ipanalangin ang gaganaping Conclave kung saan ang mga kardinal mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ay magdarasal at mag-aayuno ng sama-sama upang hingin ang tulong ng Espiritu Santo sa pagpili ng kahalili ni San Pedro na siyang mangunguna sa mga mananampalatayang katoliko,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radyo Veritas.
Hiniling din ni Bishop Mangalinao na ang magiging bagong Santo Papa ay maging tunay na huwaran ng kabanalan, katapangan, karunungan, at kagalakan sa pagtanggap ng misyong pamunuan at paglingkuran ang simbahan.
Inaanyayahan din ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang lahat ng mananampalataya na sama-samang manalangin upang magampanan nang tapat at wasto ng cardinal electors ang tungkulin sa pagpili ng karapat-dapat na bagong pastol ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Bishop Uy, nawa’y manaig ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa isinasagawang conclave upang pagkalooban ng lakas at kaliwanagan ng isipan ang mga kardinal sa pagpili ng ika-267 Santo Papa na mamumuno sa Simbahan.
“We pray to the Lord that the Holy Spirit will guide and strengthen the Cardinal-electors as they elect a new Pope who will serve as the shepherd of the universal church,” ayon kay Bishop Uy.
Binigyang-diin ng obispo na ang conclave ay hindi lamang proseso ng pagboto, kundi isang espiritwal na gawaing nangangailangan ng taimtim na panalangin ng buong sambayanan.
Idinadalangin ni Bishop Uy na ang mahalagang gampanin ng cardinal electors para sa hinaharap ng simbahan ay magbunga ng tamang pagpapasya, upang mapaglingkuran ng bagong Santo Papa ang mahigit 1.4 bilyong katoliko sa buong mundo.
Nagsimula ang conclave noong ika-7 ng Mayo sa Sistine Chapel sa Vatican, kasama ang 133 mula sa 252 kardinal sa buong mundo ang Cardinal electors.
Kabilang sa cardinal electors mula sa Pilipinas, sina Vatican Dicastery for Evangelization former Pro-Prefect, Luis Antonio Cardinal Tagle; Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David; at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Inilabas din ni Bishop Uy ang dasal para sa pagpili ng bagong Santo Papa na maging kahalili ng namayapang Pope Francis.
Prayer for the Election of the New Pope by Bishop Alberto Uy”
God, eternal shepherd, who govern your flock with unfailing care, grant in your boundless fatherly love a pastor for your Church who will please you by his holiness and to us show watchful care.
Through our Lord, Jesus Christ, your Son, who lives and reigns with you in the unity of the Holy Spirit, God, for ever and ever.
Amen.