11,686 total views
Umapela si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. sa pamahalaan ng komprehensibong pagtugon sa suliranin ng baha sa bansa.
Ito ang panawagan ng obispo kaugnay sa naranasang malawakang pagbaha dulot ng Habagat, Bagyong Crising, Dante at Emong na magkasunod sumalanta sa Pilipinas.
Ayon sa obispo napapanahon ang panawagan lalo’t nalalapit na ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itinakda sa July 28, 2025.
“Isa itong panawagan sa pamahalaan na maging seryoso sa paglutas ng problema ng baha—isang paulit-ulit na krisis na nangangailangan ng komprehensibong tugon,” pahayag ni Bishop Ayuban sa Radyo Veritas.
Sinabi ng obispo na lubhang nakababahala ang patuloy na paglala sa sitwasyon ng baha sa bansa lalo na sa Metro Manila kaya’t dapat na tututukan ito ng pamahalaan.
“Hindi sapat ang pagiging resilient. Ang mga Pilipino ay karapat-dapat sa maayos at sapat na tugon sa suliraning ito,” giit ni Bishop Ayuban.
Tinukoy ni Bishop Ayuban ang pagsasaayos ng mga drainage system gayundin ang panawagan sa mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng mga basura na kadalasang sanhi ng pagbaha lalo na sa urban areas.
Matatandaang sa 2025 General Appropriations Act mahigit sa 700-bilyong piso ang inilaan ng pamahalaan bilang national flood control budget sa lahat ng ahensya na ayon kay Senator Joel Villanueva nasa 1.4-bilyong piso ang inilaan araw-araw para sa flood control projects subalit nanatiling lumulubog sa baha ang maraming lugar sa bansa.
Gayunpaman naunang na-veto ni PBBM ang 16.7-bilyong pisong halaga ng flood control projects sa iba’t ibang rehiyon kung saan pinakamalaki ang pitong bilyong piso sa Region 3 na sinundan ng 3.2 bilyong piso sa Region 2; Region 5 with P2.73 billion; National Capital Region P1.75 billion; Region 1 P1.1 billion; Region 6 P300 million; Region 4A P275 million; Region 4B P250 million, at region 7 P100 million.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umabot sa halos 300-libong katao ang inilikas dahil sa mga pagbaha bunsod ng mga Bagyong Crising, Dante at Emong na nagpapalakas sa Habagat.
Nasa tatlong libong mga bahay naman ang napinsala, 25 ang nasawi dahil sa baha, landslide at electrocutions habang walong katao pa rin ang nawawala.
Muling iginiit ni Bishop Ayuban na bigyang pansin ang kahalagahan ng ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si kung saan hinimok ang bawat isa na magtulungang pangalagaan ang kalikasan upang maiwasan ang tuluyang pagkasira lalo’t kadalasang biktima sa epekto nito ang mga mahihirap at mahihinang sektor ng lipunan.
“The climate is a common good, belonging to all and meant for all”(Laudato Si’, 23)…Many of the poor live in areas particularly affected by phenomena related to warming… They have no other financial activities or resources which can enable them to adapt to climate change or to face natural disasters,” (Laudato Si’, 25).