4,938 total views
Naniniwala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (ECSA-JP) na mahalagang maunawaan ng taumbayan kung ano ang naidudulot ng katiwalian sa pondo ng bayan na dapat ay inilalaan para sa kabutihan ng sambayanan.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng komisyon kaugnay sa planong pagbubuo ng isang bagong kilusan upang isulong ang pananagutan sa pamahalaan mula sa mga alegasyon ng katiwalian sa kaban ng bayan.
Ayon sa Obispo, kasalukuyan pang isinasagawa ang pagbubuo sa nasabing kilusan na layuning suportahan ang naging panawagan rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paglaban sa katiwalian sa pamahalaan.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo, kabilang sa partikular na inaanyayahan na makibahagi sa nasabing kilusan ang lahat ng social action network at mga katuwang ng Caritas Philippines na humanitarian, development and advocacy arm ng CBCP mula sa 87 arkidiyosesis at diyosesis sa buong bansa.
“As Caritas Philippines, we urgently call on our social action network and partners in all our 87 archdioceses and dioceses across the country to commit in beginning a movement that supports the President’s call to put an end to corruption in government and that supports our government officials who have responded to this call, pursuing the truth and working that those found guilty of this corruption be made accountable and be brought to justice.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, mahalaga ang aktibong pakikisangkot ng bawat mamamayan upang maipakita ang paninindigan ng taumbayan sa paghahanap ng katarungan at pananagutan mula sa mga tiwaling opisyal ng bayan na umaangkin sa pondong dapat na inilalaan sa mga batayang serbisyo at pagpapaunlad sa buhay ng mga mamamayang Pilipino.
Kabilang sa partikular na tinukoy ni Bishop Bagaforo ang pakikisangkot sa pananawagan ng masusing imbestigasyon at pananagutan kaugnay sa mga iniulat na sub-standard, hindi natapos at ‘ghost’ flood control projects sa bansa.
“We will work on the following: 1. Demand Truth and Accountability: Support a full and transparent investigation into the sub-standard, uncompleted and ghost flood control projects to ensure that those responsible are held accountable.; 2. Pursue Justice: Lobby for the swift filing of cases against those proven guilty, so that impunity does not continue to reign.; 3. Educate and Mobilize: Bring the truth and accurate information on the investigation and findings to our communities, discussing the extent of the documented corrupt projects and practices and explaining how these affect the basic services government is supposed to provide and on the overall impact on our economy.” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Giit ni Bishop Bagaforo, mahalaga ang paninindigan at pagsusulong ng bawat mamamayan ng katotohanan at pananagutan upang mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan na sangkot sa anomalya sa kaban ng bayan.
Nanawagan rin ang Caritas Philippines sa mga mamamayan na patuloy na magbantay at makilahok sa usapin ng pondo ng bayan at paggastos ng pamahalaan na dapat ay inilalaan para sa mga programa at proyekto na makabubuti sa mga mamamayan.
“Strengthen People’s Participation: Work to strengthen and improve the mechanisms for citizens’ participation in monitoring the preparation and spending of the national budget to ensure transparency and accountability in both local and national government.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Una ng binigyang diin ng CBCP ang pagpapanagot sa mga opisyal ng pamahalaan na kabilang sa iba’t ibang mga katiwalian sa kaban ng bayan.