35,093 total views
“Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon” (Efeso 5:11)
Mahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,
Sumisigaw ang bayan. Sobra na! Tama na! Oo, sobra na ang pagnanakaw sa bayan ng mga taong dapat maglingkod sa atin. Ang mga inihalal natin ay dapat maglingkod sa bayan. Bakit sila ang nagpapayaman ng sarili? Bakit sila ang nagpapalapad ng kanilang lupain? Pati dito sa Palawan tayo ay binabaha. Wala bang flood control projects dito? O galing ito sa pagmimina na pinapaburan ng mga politiko natin?
Galit na galit ang mga tao sa korapsyon at sa mga tao na nakikinabang dito. At tama lang! Napakasama ng korapsyon. Ito ay pagnanakaw sa buwis ng taong bayan, ng buwis natin. Kaya kulang ang mga serbisyo sa tao kasi ang pera na dapat ilaan dito ay ginagamit sa mga projects na hindi talaga natin napapakinabangan. May mga ospital tayo na kulang ang facilities, na kulang sa mga doktor at mga nurses. Maraming daan sa ating mga barangay ay maputik sa tag-ulan at maalikabok sa tag-init. Maraming mga barangay natin ay wala pang tubig. Marami ay hindi pa naaabot ng kuryente. Ang mga ito ay dapat gawain ng gobyerno, at hindi nagagawa dahil sa walang pera, at bakit walang pera? Kinukuha ang pera para dito at napupunta sa bulsa ng mga tao sa gobyerno at mga contractors. Huwag dapat nating tanggapin na ito ay SOP (Standard Operating Procedure). Pangkaraniwang kalakaran na ba na kumuha ng porsyento sa bawat project? Kalakaran na ba na dapat magpadulas para magawa ang isang bagay sa gobyerno? Huwag nating tanggapin na kalakaran na ang korapsyon. Sabi sa atin ng Banal na Kasulatan na ibunyag natin ang mga ito. Huwag nating tanggapin na ito ay normal na kalakaran na.
Hindi maging maayos ang takbo ng pamahalaan kung ang mga tao na nagdedesisyon sa gobyerno ay hindi makatarungan at pinilit lang ang sarili nila na umupo sa puesto sa pamimili ng boto. Ngayon na natin suriin ang ating sarili kung binoto ba natin ang mga taong kurap. Nabili ba ang boto natin? Dahil sa nabigyan tayo ng ayuda, ngayon sinisingil na tayo ng mga politikong ito. Sa halip na magkaroon mga project sa ikabubuti ng lahat, ang mga paaralan natin, ang mga daan, ang mga tulay, ang mga ospital at gamot, ang ating patubig at kuryente ay hindi naibibigay sa atin. Ganito kasama ng korapsyon.
Ang isang nagpapalala ng korapsyon ay ang political family. Iyan ay iyong mga pamilya na sila na lang ang nakaluklok, at sa ibang lugar, ay sabay-sabay pang nakaupo sa puwesto. Magiging matatag ang pamamahala kung mayroon pagsusuri at pagbabantay sa ginagawa ng nakaupo. Magkakaroon ba ng makatarungang pagbabatay at pagsusuri kung magkamag-anak ang nakaupo o kamag-anak ang sinundan? Kung gusto nating mabawasan ang korapsyon, huwag na tayong bumoto ng mga magkamag-anak.
Nasa Palawan tayo. Hindi nangyayari ang malalaking korapsyon na natuklasan na nangyayari sa ibang lalawigan ng bansa. Baka mayroon din dito? Hindi pa lang natutuklasan. Pero ang kalakaran ng korapsyon ay nandito rin. Huwag nating tanggapin na ganito na talaga ang ating bansa, na ang Palawan ay talagang ganito, na sira-sira ang mga daan natin, na wala tayong maayos na tubig, na walang kuryente ang mga sitio natin, na walang gamot ang mga health centers natin. Hindi! Magbabago ito kung mawala ang korapsyon. Suriin natin at bantayan ang mga nanunungkulan sa atin ngayon at singilin natin sila. Dapat silang maglingkod sa atin. Sinusuweldohan natin sila para dito, at hindi para kunin at gamitin sa sarili ang pera natin. Magkaisa tayo na labanan ang korapsyon, ang pagnanakaw sa bayan.
Ang kasama ninyong nagmamasid,
Bishop Broderick Pabillo
Ika-21 ng Setyembre, 2025




