24,946 total views
Nanawagan ang Diyosesis ng Kidapawan sa lahat ng mananampalataya sa diyosesis na patuloy na makiisa sa pananalangin at pagsisisi para sa bayan.
Ito ang kongkretong tugon ng Diyosesis ng Kidapawan bilang patuloy na pakikiisa sa idineklarang National Day of Prayer and Repentance ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) upang ipanalangin ang sambayanang Pilipino at ang kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Ayon sa panawagan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, isasagawa ang sama-samang pananalangin ng Santo Rosaryo sa darating na Sabado, ika-11 ng Oktubre 2025, ganap na alas-5 ng hapon sa lahat ng mga Simbahan sa Diyosesis ng Kidapawan.
Kabilang sa mga gawain ang Adoration of the Blessed Sacrament at pagdarasal ng Santo Rosaryo bilang panawagan ng pagbabalik-loob sa Diyos at pagkakaisa ng sambayanan.
“The Diocese of Kidapawan joins the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) in a National Day of Prayer and Repentance for our nation and the Filipino people. We invite ALL to come together in prayer!” Bahagi ng pahayag ng Diyosesis ng Kidapawan.
Layunin ng pagtitipon na sama-samang hilingin sa Panginoon ang kapayapaan, pagkakaisa, at bagong pag-asa para sa Pilipinas sa gitna ng mga pagsubok na kinahaharap ng bawat pamilya at ng bansa lalo na sa katiwalian sa kaban ng bayan.
“Let us unite our hearts and voices as we pray for our beloved country and for renewed hope. Your presence and prayers make a difference!” Paanyaya ng Diyosesis ng Kidapawan.
Matatandaang simula noong ika-7 ng Oktubre, 2025 kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo ay ipinag-utos ng CBCP na dasalin sa mga Simbahan ang natatanging panalangin na may titulong “A National Cry for Mercy and Renewal,” na ipagpapatuloy tuwing araw ng Linggo hanggang sa Kapistahan ng Kristong Hari sa Nobyembre 23, 2025.






