13,128 total views
Nagpahayag ng pasasalamat at pag-asa si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David matapos ipag-utos ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang dismissal ng pitong pulis-Caloocan na sangkot sa kaso na nagresulta sa serye ng mga pangyayari na naglagay sa 13-taong gulang na si Dion Angelo “Gelo” dela Rosa na isang altar boy sa ilalim ng Diyosesis ng Kalookan sa panganib.
Ayon sa Cardinal, ang hakbang ng NAPOLCOM ay isang positibong hakbang at senyales na gumagana pa rin ang mga mekanismo ng checks and balances sa pambansang institusyon ng Pilipinas.
“Ang dignidad at kredibilidad ng ating kapulisan kapag may ganito tayo na control system. Checks and balances at nadidisiplina yung ganitong mga kalabisan, mga abuses.”
Bahagi ng pahayag ng Cardinal.
Dagdag ni Cardinal David, ang desisyon din ay nagbibigay ng malinaw na pag-asa sa publiko na maaaring magampanan ng kapulisan ang kanilang tungkulin bilang tunay na tagapagtaguyod ng batas at katarungang panlipunan.
“Nagkakaroon tayo ng pag-asa na ang ating pulis ay totoong alagad ng batas. Hindi sila alagad ng kawalan ng katarungan, dahil marami akong kakilala na mga pulis na disente at committed sa kanilang gawain bilang totoong alagad ng batas.” Dagdag pa ni Cardinal David.
Inilarawan din ng Cardinal bilang isang malaking tagumpay para sa bayan ang desisyon ng NAPOLCOM, lalo na para sa mga mahihirap na madalas na naaapi at nabibiktima ng pang-aabuso sa lipunan.
“Ito po ay isang malaking positive development. Ang mga dukha, ang mga mahihirap—madalas silang ma-bully. Pero sa desisyong ito, nagkakaroon tayo ng pag-asa na puwede palang umandar ang ating sistema ng gobyerno kung ang mga ahensyang may awtoridad [na gumagalaw nang tama].”
Binigyang-diin din ni Cardinal David ang kahalagahan ng civilian oversight o pagbabantay sa mga uniformed personnel bilang pundasyon ng isang matatag na demokrasya ng bansa.
“Magandang thought yun na yung civilian authority over the armed forces of our country is one of the landmarks or solid or stable democracy na mayroong ahensya na nagmo-monitor sa kilos ng ating mga naka-uniporme.” ani Cardinal David.
Ang naging desisyon ng NAPOLCOM ay kasunod ng naganap na pagdinig sa DILG Building noong umaga ng Disyembre 10, 2025 na dinaluhan nina Cardinal David at NAPOLCOM Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan.
Ayon sa imbestigasyon, inaresto ng mga pulis si Jayson dela Rosa ang ama ni Gelo sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan.
Dahil sa walang kaalam-alam ang kanyang pamilya sa kanyang kinaroroonan ay napilitan ang anak nitong si Gelo na suungin ang bahang lampas tuhod upang hanapin ang ama na dahilan naman upang siya ay magka-leptospirosis na kanyang ikinamatay kalaunan.
Samantala, nanawagan din si Cardinal David ng patuloy na panalangin para sa pamilya ni Gelo at para sa kapulisan upang patuloy na maglingkod nang may dangal, integridad, at katarungan.




