51,685 total views
Tiniyak ni Nueva Segovia Archbishop David William Antonio ang pamumuno nang may pakikinig, pag-asa, at sama-samang paglalakbay.
Sa mensahe ng arsobispo sa kanyang pagkaluklok bilang ikawalong arsobispo ng arkidiyosesis,binigyang diin nito ang malinaw na panawagan na gawing sentro sa buhay-Simbahan ang synodality, katarungang panlipunan, at malasakit lalo na sa mga dukha at naisasantabi sa lipunan.
“I begin this ministry as an Archbishop, not with all the answers but with a listening heart. Not with fear, but with hope. Not alone, but with you,” ayon kay Archbishop Antonio.
Binigyang-diin ng bagong arsobispo na ang kanyang misyon sa gabay ng kanyang episcopal motto na hango sa ebanghelyo ni San Juan ay naaayon sa kalooban ng Panginoon.
“Ut Vitam Habeant is neither my project nor the Church’s project in Nueva Segovia. It is God’s promise. Our task is simply to cooperate with His grace,” dagdag ng arsobispo.
Batid ni Archbishop Antonio ang mga hamong kinakaharap ng ng ardkidiyosesis na binubuo ng lalawigan ng Ilocos Sur tulad ng kahirapan, underemployment, migration, pagkakawatak-watak bunsod ng usaping pampulitika at lipunan, gayundin ang banta ng pagkasira ng kalikasan.
Aniya, hindi maaaring manatiling malayo ang Simbahan sa ganitong mga katotohanang karanasan na hinaharap ng mananampalataya kundi sama-samang harapin nang may pananampalataya sa Panginoon.
“If the Lord desires that His people have life to the full, then the Church must not remain distant from these realities,” ayon sa arsobispo.
Tinukoy din ng bagong luklok na pastol ang kalagayan ng lalawigan kung saan marami pa rin ang nahaharap sa kahirapan sa kabila ng pagiging tanyag na isa sa mga pinakamayamang lalawigan ang Ilocos Sur sa buong Pilipinas.
Bunsod nito patuloy ang panawagan ng arsobispo sa bawat isa kabilang na ang mga lider ng pamahalaan na pakinggan ang tinig ng mga mahihirap, kabataan, kababaihan, at maging ang mga katutubo.
Iginiit ni Archbishop Antonio ang pamumuno sang-ayon sa synodality, na hindi lamang programa kundi isang paraan ng pagiging Simbahan.
Ayon sa arsobispo sa diwa ng sinodo nawa’y isabuhay ng mga lingkod ng simbahan ang tunay na paglilingkod sa kawang ipinagkakatiwala sa kanilang pangangalaga.
“Synodality must become our way of being, our way of doing, and our way of behaving. It is not a program, but a way of life…Authority, especially clerical and episcopal authority, must be exercised as service, not control,” giit ni Archbishop Antonio.
Apela din ng arsobispo ang masiglang ebanghelisasyon na may konkretong pagtupad sa araw-araw na buhay ng mga mananampalataya kasabay ng panawagan na palakasin ang pangangalagang pastoral para sa mga pamilya at kabataan.
Binigyang-diin din ng arsobispo ang paninindigan ng Simbahan sa pakikipag-ugnayan sa lipunan at pamahalaan para sa kabutihang panlahat at nilinaw na hindi kapangyarihan ang layunin ng Simbahan.
“The Church does not seek power, but she must always speak with moral clarity, defend human dignity, and stand with those whose voices are unheard,” pahayag ng arsobispo.
Paanyaya ni Archbishop Antonio ang panawagan ng pagkakaisa at pag-asa sa buong sambayanan ng Nueva Segovia at hinimok ang mga pari, relihiyoso, at layko na sabay-sabay na maglakbay bilang isang simbahang synodal upang maranasan ng bawat Ilokano ang ganap na buhay na handog ni Kristo.
Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang rito ng pagluklok sa Minor Basilica of Our Lady of the Assumption sa Sta. Maria, Ilocos Sur habang si Cardinal Luis Antonio Tagle naman na Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization ang nagbigay ng pagninilay.
Bilin ni Cardinal Tagle sa bagong luklok na arsobispo na maging mabuting pastol sa mga tupa na kanyang pangangalagaan.
“Be a lamb among the sheep, then you will be by God’s spirit a compassionate shepherd who offers his life so that others might live, just as Jesus wants you and all His disciples to be,” ayon kay Cardinal Tagle.
Si Archbishop Antonio ang hahalili kay Archbishop Marlo Peralta makaraang tanggapin ni Pope Leo XIV ang kanyang paretiro matapos maabot ang mandatory retirement age ng isang obispo na 75 taong gulang.






