2,924 total views
Hinamon ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization, ang mga mananampalataya na suriin ang sarili kung kanino umaasa.
Sa kanyang homiliya sa kapistahan ni Santa Agnes sa misang ginanap sa Imus Cathedral, binigyang-diin ng kardinal na madalas banggitin ng mga mananampalataya na ang Diyos ang kanilang pag-asa subalit taliwas ang aktuwal na pamumuhay.
“Sa panahon natin ngayon, tanungin natin, kanino ba ako tunay na umaasa? Kanino ba ako talaga kumakapit? Baka bukambibig lang natin na Diyos ang ating pag-asa, pero sa tunay na buhay, hindi naman pala Siya,” ani Cardinal Tagle.
Inihalimbawa ni Cardinal Tagle sina Santa Agnes, Haring David, at si Hesus upang bigyang diin ang halaga ng kapangyarihan ng pananampalataya kumpara sa kapangyarihang makasanlibutan.
Aniya sa kanilang karanasan bagamat itinuturing na mahihina at maliit ng mundo ay higit na nanaig ang kanilang pagtitiwala sa Diyos.
“Ang lakas na tanging ang Diyos ang nagbibigay ang hinawakan nina Santa Agnes, David, at ni Jesus, at sa lakas na iyon, napagtagumpayan nila ang kahihiyan, karahasan, at pagmamaliit,” paliwanag ni Cardinal Tagle.
Pinuna rin ng kardinal ang kultura ng pagkapit sa makapangyarihan, kahit may bahid ng katiwalian na isang maling pamantayan ng lipunan.
“Kapit, kapit, kapit tayo sa tinuturing ng mundo na makapangyarihan, kahit alam nating may mali, basta mayaman at malalapitan,” giit ni Cardinal Tagle.
Binigyang-linaw rin ni Cardinal Tagle na hindi sa dami at taas ng kapangyarihan nasusukat ang tunay na paglilingkod.
“Kung ibig nating maglingkod sa Diyos at sa bayan, hindi naman kailangan maging matayog pa tayo. Sa mga maliliit at humble na paggawa natin sa araw-araw, dkiyan mababago ang buhay. Hindi mababago ang buhay ng iilang may kapangyarihan. Ang magbabago ng buhay ay ang tao na ordinaryo,” ayon sa kardinal.
Hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag maliitin ang kanilang kakayahan at kalagayan, bagkus ay kumapit sa Diyos ang pinagmumulan ng pag-asa at lakas.
Si Santa Agnes ay batang martir sa Roma noong ikatlong siglo kung saan sa murang edad, buong tapang na tinanggihan ang pagtalikod sa pananampalataya at ang sapilitang pag-aasawa.
Pinaslang ang banal dahil sa kanyang katapatan kay Kristo. Ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan tuwing January 21 bilang huwaran ng kadalisayan at matibay na pananampalataya.




