289 total views
Nagbigay-pugay ang EcoWaste Coalition kay Hideo Ikoma, isa sa mga biktima ng Minamata disease outbreak, kasabay ng panawagan ng katarungan para sa lahat ng naapektuhan ng mercury poisoning.
Napag-alaman ng grupo na pumanaw si Ikoma noong Pebrero 2026, ilang taon matapos niyang ibahagi sa Pilipinas ang kanyang karanasan bilang survivor.
Dumalaw sa bansa si Ikoma noong 2017 kasama si Yoichi Tani ng Collaboration Centre for Minamata Disease Victims, upang magbahagi ng patotoo hinggil sa epekto ng sakit at patuloy na laban ng mga biktima.
Ayon kay EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, kinikilala ng grupo ang katapangan ni Ikoma sa pagbabahagi ng karanasan sa kabila ng matinding hirap na dulot ng karamdaman.
“We thank him for coming over to the Philippines to personally share the struggles and hopes of the Minamata disease sufferers and their long fight for recognition, compensation, and justice,” pahayag ni Lucero.
Ang Minamata disease ay isang neurological disorder na dulot ng matinding mercury poisoning na unang naitala sa Minamata Bay sa Japan noong 1950s.
Iniuugnay ito sa pagtatapon ng industrial waste ng Chisso Corporation, na nagdulot ng malawakang kontaminasyon sa yamang-dagat at nakaapekto sa kalusugan ng mga komunidad sa loob ng maraming taon.
Ibinahagi naman ni Tani na mahigit 400,000 katao ang nanirahan sa mga baybayin ng Shiranui Sea noong kasagsagan ng kontaminasyon, habang higit sa 60,000 biktima ang patuloy na naghahanap ng katarungan hanggang sa kasalukuyan.
Gayunman, nananatiling mabigat ang laban ng mga biktima matapos tanggihan ng korte sa Fukuoka ang apela ng ilan para sa pormal na pagkilala.
Samantala, nagpahayag din ng pakikiisa ang International Pollutants Elimination Network (IPEN) sa mga biktima, kasunod ng kanilang global meeting sa Puerto Princesa.
Sa kabila ng pagpapatupad ng Minamata Convention on Mercury, nananatiling hamon ang ganap na pagkilala at kabayaran para sa mga biktima.
Nakasaad sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan na ang katarungan at pangangalaga sa buhay at kalikasan ay tungkuling moral ng bawat isa.






