353 total views
Ipinag-utos ni Virac Bishop Luisito Occiano ang pagsasagawa ng special second collection sa lahat ng parokya at mission churches ng Diocese of Virac sa Hunyo 14 upang makatulong sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.
Sa inilabas na liham sirkular, sinabi ng obispo na ang hakbang ay tugon sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa agarang pagtulong sa mga naapektuhan ng sakuna, lalo na sa Sarangani at mga karatig lugar.
Ayon kay Bishop Occiano, dapat makiisa ang buong Simbahan sa paghahatid ng ng pag-asa sa mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay, tahanan, at kabuhayan dahil sa malakas na pagyanig.
“Today, our Mother Church, through the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, calls us. She asks us not to look away,” bahagi ng liham ni Bishop Occiano.
Binigyang-diin ng obispo na nauunawaan ng mga taga-Catanduanes ang sakit at hirap na dulot ng mga kalamidad dahil ilang ulit na ring nakaranas ang lalawigan ng mapaminsalang mga bagyo at sakuna.
Inatasan din ni Bishop Occiano ang mga parokya na agad na ipadala ang malilikom na tulong sa Social Action Center ng Diocese of Marbel para sa relief at rehabilitation efforts, at isama sa Panalangin ng Bayan ang mga biktima, rescuer, at mga pamayanang nagsisikap na makabangon mula sa sakuna.
Dagdag pa ng obispo, ang anumang tulong na maipagkakaloob ng mga mananampalataya ay magiging konkretong pagpapahayag ng pakikiisa sa mga nagdurusa.
“We cannot rebuild their homes from Virac. But we can send hope. We can send help. We can send the message: ‘You are not alone. Your Church in Catanduanes is with you,'” saad ng obispo.
Batay sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 47 ang nasawi, 688 ang nasugatan, habang 31 naman ang nawawala dulot ng malakas na pagyanig sa Mindanao.






