444 total views
Inihalintulad ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga Filipino social worker bilang mga makabagong “Good Samaritans” na patuloy na naglilingkod sa mga mahihina, naaapi, at nangangailangan sa gitna ng iba’t ibang suliraning kinakaharap ng lipunan.
Sa kanyang pagninilay sa pagdiriwang ng Filipino Social Workers’ Day ngayong June 19, sinabi ng obispo na ang misyon ng mga social worker ay kahalintulad ng Mabuting Samaritano sa Ebanghelyo na hindi nag-atubiling tumulong sa kapwa sa kabila ng pagiging estranghero.
“Like the Good Samaritan, they refuse to walk past those who are wounded by life’s difficulties. They stop. They listen. They care. They accompany. They advocate. They help restore hope where despair has taken root,” pahayag ni Bishop Santos.
Ayon sa obispo, ang kanilang paglilingkod ay tunay na pagsasabuhay ng habag at pagmamahal ni Hesus na nagbigay-pansin sa mga madalas na makalimutan at naisasantabi ng lipunan.
Iginiit ni Bishop Santos na dapat pahalagahan ang kapwa sapagkat taglay ng bawat tao ang dignidad na dapat pangalagaan.
“Every human person possesses dignity because each one is created in the image and likeness of God,” ani ng obispo.
Binigyang-diin ni Bishop Santos na bagama’t madalas na hindi napapansin ang kanilang mga sakripisyo, mahalagang bahagi ng misyon ng Simbahan at lipunan ang ginagawa ng mga social worker sa pag-aaruga sa mga bata, pagtulong sa mga pamilya, pagdamay sa mga biktima ng pang-aabuso, at pagsuporta sa mga dumaranas ng matitinding pagsubok sa buhay.
“Yet in every child protected, every family assisted, every victim comforted, every struggling individual accompanied, the face of Christ is present,” dagdag ng obispo.
Iginiit din ng obispo na ipinakikita ng mga social worker na ang habag ay hindi lamang damdamin kundi isang kongkretong pagtugon sa pangangailangan ng kapwa.
“Their work reminds us that compassion is not merely a feeling; it is a commitment. Mercy is not merely a word; it is an action. Love is not merely spoken; it is lived,” ayon kay Bishop Santos.
Hinimok naman ng obispo ang mga mananampalataya na tularan ang halimbawa ng mga social worker sa pamamagitan ng pagiging mabuting kapitbahay, handang tumulong, at tagapaghatid ng pag-asa sa mga nangangailangan.
“Today, the Church invites us not only to pray for social workers but also to learn from their example,” saad ni Bishop Santos.
Taong 2021 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 1176 na nagtalaga ng June 19 bilang “Filipino Social Workers Day” bilang pagkilala sa natatanging gawaing ginagampanan ng mga social worker sa lipunan.




