190 total views
Umapela si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga kapwa obispo ng bansa na manatiling tapat kay Hesukristo at huwag hayaang maging personal na kaharian ang kanilang mga diyosesis.
Ito ang pagninilay ng arsobispo sa pagtatapos ng ika-132 Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa AMORAP sa Sinacaban, Misamis Occidental.
Ayon kay Archbishop Villegas, ang tunay na dangal ng isang pastol ay makakamit sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa Panginoon.
Paalala ng pastol na ang mga katagang “Your Excellency” at “Most Reverend” na tumutukoy sa mga obispo ay hindi bunga ng kayamanan, katungkulan, kasikatan, o mga nagawa ng isang obispo.
“Excellency doesn’t come from our work. Excellency doesn’t come from our wealth. Excellency doesn’t come from our popularity,” ayon kay Archbishop Villegas.
Binigyang-diin din niyang hindi nakabatay sa mga gawain o institusyong naitatag ng Simbahan ang tunay na kadakilaan ng isang obispo.
Ayon sa arsobispo, ang tunay na batayan ng paglilingkod ng isang obispo ay ang ugnayan nito kay Hesukristo.
Paliwanag ni Archbishop Villegas na ang lahat ng dangal na iniuukol sa mga obispo ay nagmumula lamang sa kanilang pagiging kabilang kay Kristo.
“Because you belong to Christ, you’re excellent. And because you belong to Christ, you’re Most Reverend. In other words, it is our belonging to Christ that gives us the right to hear people say, “Your Excellency,” “Most Reverend,” giit ng arsobispo.
Nagbabala ang arsobispo laban sa panganib ng paglayo ng mga pastol kay Kristo at sa pagtrato sa kanilang mga diyosesis bilang sariling kaharian.
“If, as bishops, we have cut ourselves off from Christ, and the diocese has become our kingdom, we are not His Excellency, we are His mediocrity. We are no longer ‘Most Reverend, we would be the most abominable of all because we have cut ourselves off from the Lord,” giit ni Archbishop Villegas.
Binigyang-diin ni Archbishop Villegas na si Hesukristo lamang ang dahilan kung bakit tinatawag na “Your Excellency” at “Most Reverend” ang mga obispo.
Katuwang ng arsobispo sa closing mass sina Bishop Napoleon Sipalay Jr., OP, ng Alaminos at Bishop Jose Elmer Mangalinao ng Bayombong.
Ginanap ang ika-132 CBCP Plenary Assembly sa AMORAP sa Sinacaban, Misamis Occidental, kung saan nagpulong ang mga obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa upang talakayin ang mahahalagang usaping pastoral at ang misyon ng ebanghelisasyon sa pagsusulong ng simbahang sinodal.




