353 total views
Patuloy ang pagtugon ng Diocese of Marbel – Social Action Center (DSAC) sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao noong June 8, sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila at iba pang katuwang na organisasyon.
Ayon sa progress report ng Social Action Center, umabot na sa 1,104 na tahanan sa mga barangay ng Batulaki, San Jose, New Aklan, Batotuling, at Rio del Pilar sa bayan ng Glan, Sarangani ang nabigyan ng food assistance mula sa Caritas Manila, kabilang ang bigas at mga de-latang pagkain upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan matapos ang kalamidad.
Bukod dito, nakapamahagi rin ang Diocese of Marbel at mga apektadong parokya ng 28,044 food packs at shelter materials, habang nagsagawa rin ng psychosocial first aid para sa 280 bata sa Barangay Mig Margus, Glan, Sarangani.
“Caritas Manila has significantly enhanced that scope and effectiveness of the relief operations. Through its support, food aid, particularly rice and canned goods was extended to a total of 1,104 households, enabling them to address their immediate needs in the aftermath of the disaster,” ayon sa ulat ng Marbel DSAC.
Batay sa damage assessment, nananatiling sarado ang apat na parokya sa diyosesis dahil sa pinsalang dulot ng lindol, habang 265 Basic Ecclesial Community (BEC) chapels ang napinsala, kung saan 218 ang bahagyang nasira at 47 ang tuluyang nawasak.
Naitala rin sa ulat na umabot na sa 69 ang nasawi, 1,192 ang nasugatan, at walo ang nawawala, habang mahigit 376,000 pamilya sa Sarangani at General Santos City, bukod pa sa 8,929 indibidwal sa South Cotabato, ang naapektuhan ng lindol.
Umabot naman sa 79,132 bahay ang napinsala, kabilang ang 10,746 na tuluyang nawasak.
Patuloy na ipinapaalala ng Simbahan na ang pagkalinga sa mga biktima ng kalamidad ay kongkretong pagsasabuhay ng pag-ibig sa kapwa, kung saan ang pagtutulungan at malasakit ay nagbibigay ng pag-asa sa mga pamayanang nagsisikap makabangon mula sa sakuna.




