148 total views
Inilipat ng Senate Impeachment court sa July 20, 2026 ang pagharap ni National Bureau of Investigation o NBI Director Melvin Matibag bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Naunang humiling ang House prosecution na payagang mauna sa schedule si Matibag matapos niyang ipaalam na kailangan niyang dumalo sa isang regional summit tungkol sa scam center compounds at transnational organized crime sa Bangkok, Thailand sa July 21 at 22.
Tinutulan naman ito ng depensa dahil maaari anilang makaapekto sa kanilang paghahanda ang biglaang pagbabago sa pagkakasunod ng mga testigo.
Matapos ang pagtalakay ng mga senator-judge, iminungkahi ni Senate President Sherwin Gatchalian na sa July 20 na lamang humarap si Matibag upang mabigyan din ng sapat na panahon ang mga senador na pag-aralan ang mga ebidensya at ihanda ang kanilang mga katanungan.
“Pursuant to the discussion on the subpoena for NBI Director Melvin Matibag, and pursuant to the discussion with Senator-Judge Alan Cayetano and myself, and to give ample time to the senator-judges to study, to look at the pieces of evidence, as well as to propound their questions, may I propose to let him come to the Senate on Monday,” ayon kay Gatchalian.
Inaprubahan naman ni Senate President Pro Tempore at presiding officer ng impeachment court na si Senador Francis Escudero ang mosyon, ngunit nilinaw na kailangang matapos ang buong testimonya ni Matibag, kabilang ang cross-examination ng depensa.
Kung hindi matatapos ang pagtatanong sa July 20, ipagpapatuloy ito sa susunod na takdang araw ng paglilitis hanggang makumpleto ang proseso.
Inatasan na rin ng impeachment court ang pagpapalabas ng subpoena para kay Matibag na humarap sa Senado sa July 20, alas dos hapon
Inaasahang tatalakayin ng NBI chief ang imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng mga pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang mayroon siyang inatasang tao na kikilos laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Kasama rin sa inaasahang ilalahad ni Matibag ang resulta ng imbestigasyon ng NBI at ang mga reklamong kriminal na nagmula sa naturang insidente.




