4,196 total reads
Hinikayat ang mga mananampalataya na makiisa sa 12 oras na pagdarasal ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan sa buong mundo bilang paghahanda sa kapistahan ng Birhen ng Guadalupe sa Disyembre 12.
Inilunsad ng Our Lady of Guadalupe–Philippine Pilgrimage 2026 ang programang “12-12-12: The Marian Hours – 12 Hours of Rosary for Peace” na naglalayong makapag-alay ng limang milyong Aba Ginoong Maria.
Bahagi ito ng pagtatapos ng mahigit anim na buwang paglalakbay ng imahen ng Birhen ng Guadalupe sa mahigit 50 simbahan at dambana sa bansa.
Ayon sa mga organizer, layunin ng panalangin na isulong ang kapayapaan na nakabatay sa katarungan, pagmamahalan sa pamilya, pangangalaga sa kalikasan at paglilingkod sa kapwa.
Maaaring makiisa ang publiko sa pamamagitan ng personal na pagdarasal sa Quirino Grandstand sa Maynila simula Disyembre 11, online sa pamamagitan ng Radyo Veritas at TV Maria, o sama-samang pagdarasal sa mga tahanan, paaralan at opisina.
Nagtakda rin ng oras ng pananalangin para sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga OFW, relihiyosong kongregasyon, layko, paaralan, pamahalaan at mga negosyante.
Maaaring pumili ang mga mananampalataya ng oras na nais nilang salihan o makiisa sa buong 12 oras ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Kenneth Corbilla




