1,544 total reads
Binigyang-diin ni Rev. Fr. Gregory Ramon Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino na hindi lamang pagdalaw sa mga Katolikong pamayanan ang layunin ng nalalapit na apostolic visit ni Pope Leo XIV sa Latin America mula Nobyembre 6 hanggang 17, 2026 kundi pakikipagtagpo rin sa buong mamamayan ng Uruguay, Argentina at Peru.
Sa kanyang ulat bilang Vatican Correspondent ng Radio Veritas, ipinaliwanag ni Fr. Gaston na ang apostolic visit ng Santo Papa ay may kaakibat ding tungkuling diplomatiko bilang pinuno ng Vatican City State at ng Holy See.
“Hindi lamang mga simbahan ang dadalawin ni Pope. At the same time, state visit din. Kasi ang ating Santo Papa, head of state ng Vatican City State, ng Holy See,” Bahagi ng pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Ayon kay Fr. Gaston, nangangahulugan itong hindi lamang mga obispo, pari, madre at Katoliko ang makakaharap ng Santo Papa kundi maging mga pinuno ng pamahalaan, diplomatiko at iba pang sektor ng lipunan.
Binigyang-diin din ng Pari na ang paglilingkod ng Simbahan ay hindi limitado sa mga Katoliko lamang, kundi bukas sa lahat ng nangangailangan, sa pamamagitan ng mga paaralan, ospital at mga gawaing pagtulong sa kapwa.
Samantala, tinalakay rin ni Fr. Gaston ang mensahe ni Pope Leo XIV tungkol sa kapayapaan sa kanyang Wednesday General Audience, kung saan binigyang-diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng patuloy na pag-uusap o dialogue sa larangan ng pulitika at ekonomiya.
Tinalakay din ni Fr. Gaston ang dating paalala ni Pope Francis na ang digmaan ay kabiguan ng pulitika, kaya mahalagang pairalin ang diyalogo upang maiwasan ang karahasan at tunggalian.
Hinimok din ng Pari ang mga mananampalataya na simulan ang pagtataguyod ng kapayapaan sa sariling buhay, pamilya, komunidad, parokya at lugar ng trabaho.
“Hindi naman magkakaroon ng kapayapaan sa mundo kung walang kapayapaan sa ating buhay,” Dagdag pa ni Fr. Gaston.
Tinukoy rin ng Pari ang diwa ng “saint next door” ni Pope Francis, o ang mga ordinaryong taong nagpapakita ng kabanalan sa pamamagitan ng pag-aalaga sa pamilya, pagtatrabaho, pananalangin at pagtulong sa kapwa.
Ayon kay Fr. Gaston, kabilang sa mga simpleng paraan ng pagiging banal ang pagpapatawad, pag-iwas sa tsismis at pakikipagkasundo sa mga taong nakasamaan ng loob.
“Kung may kagalit tayo, ating pag-text sa kanya… sabihin natin, ‘O, kamusta?’ Yun lang, kamustahin mo lang,” Payo ni Fr. Gaston, na binigyang diin na maaaring magsimula sa simpleng pakikipag-usap at pananalangin ang muling pagkakasundo.
Hinikayat naman ng Pari ang mga mananampalataya na tularan ang halimbawa ni San Francisco ng Assisi sa kanyang panalangin: “Lord, make me an instrument of your peace.”
Ayon kay Fr. Gaston, ang tunay na kabanalan ay hindi nasusukat sa pambihirang kakayahan o mga himala, kundi sa araw-araw na pagsasabuhay ng pananampalataya, pagmamahal, pagpapatawad at paglilingkod.




