190 total views
“Isantabi ang kasakiman at pansariling interes para sa mga mamamayan”, ito ang naging mensahe para sa mga pinuno ng pamahalaan at sa buong mundo ni Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle D.D., Presidente ng Caritas Internationalis sa kanyang pagbisita sa mga Syrian refugees at migrant workers sa Lebanon.
Sa kasalukuyan, may mahigit sa isang milyong refugees na ang nananatili sa Lebanon dahil sa kaguluhang nagaganap sa Syria. Ang mga refugees na ito ay binibigyang tulong ng Caritas Lebanon tulad ng pagkain, damit, cash assistance, medical treatment at counselling.
Sinabi ng Cardinal Tagle na masakit makita ang paghihirap ng mga mamamayan ng Syria na napilitang lisanin ang kanilang bayan at ngayon ay naghihirap at nag-aalala sa kanilang mga mahal sa buhay na naiwan sa kanilang bansa.
Ikinuwento pa ni Cardinal Tagle sa kanyang byahe patungong Lebanon ay nakilala niya ang ilang migrant workers kabilang na ang ilang mga Pilipino na naging biktima ng pang-aabuso at pananamantala ng kanilang mga amo. Ang mga migrant workers na ito ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Caritas Lebanon at patuloy na binibigyang tulong legal at medikal.
Sa kanyang panayam mula sa Lebanon, nanawagan si Cardinal Tagle sa mga pinuno ng pamahalaan na isantabi ang kasakiman at pansariling interes upang matigil na ang kaguluhan at makamit ang kapayapaan para sa lahat ng mga apektadong mamamayan.
Nanatili si Cardinal Tagle ng apat na araw sa Lebanon upang masubaybayan ang tulong na ibinibigay ng Caritas para sa mga refugees mula sa Syria at Iraq.
Bilang Arsobiso ng Maynila, si Cardinal Tagle rin ang Chairman ng Caritas Manila ang social services at development arm nito. Ang Caritas Manila ay patuloy nagsasagawa ng mga programa upang matulungan ang mga Internally Displaced People (IDP) sa bansa.
Kamakailan ay binisita rin ng Cardinal ang camp site ng mga lumad sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kung saan nangako siya na susuportahan ng simbahan ang mga Lumad sa pakikipaglaban para sa kanilang karapatan.