360 total views
Nanawagan si Rev. Fr. Jayson Siapco, Director ng Lipa Archdiocesan Social Action Center o LASAC sa publiko na igalang ang desisyon ng kapwa sa kanilang mga sinusuportahang kandidato.
Sa panayam ng Radyo Veritas 846 kay Fr. Siapco, sinabi nito na nakakalungkot ang nanaganap na awayan at kawalan ng pagrespeto ng ilan dahil sa pagkakaiba ng pananaw sa pulitika.
Aminado ang Pari na ang mahalaga ay pairalin ang ating konsensya at paninindigan sa pipiliing mamumuno sa bayan at hindi ito dapat pagmulan ng alitan sa pagitan ng kapwa tao.
“Ang laging panawagan natin bumoto ka sang-ayon sa iyong paninindigan, sa iyong konsensya, igalang natin ang paninindigan ng iba, igalang natin ang konsensya ng iba kung hindi kayo magkapareho tanggapin natin ang katotohanan hindi kayo magkapareho pero igalang natin ang isa’t-isa,” mensahe ni Fr. Siapco.
Umapela rin ang Pari sa mga kandidato na magkaroon ng paninindigan sa kanilang mga plataporma.
Inihayag ng Pari na ilan sa mga nahahalal na opisyal ng pamahalaan ang nagbibigay ng mga huwad na pangako at plataporma at nagbabago ang lahat ng ito sa oras na sila ay mahalal na.
“Ngayon pa lang kampanyahan maging kumbinsido na kayo sa inyong paninindigan, mahirap yun iba ang standards mo ngayon, [pero] pagdating nang nakaluklok ka na iba na ang paninindigan natin,” giit pa ng Pari.
Naniniwala si Fr. Siapco na ang simula ng tunay na pagbabago ay dapat simulan sa ating mga sarili ikaw man ay isang botante o isang kandidato.
“Lagi ko sinasbai sa simula ng mga voters education natin change starts with me, Kung ako ay magbabago, ikaw ay magbabago, ang Pulitiko ay magbabago, hindi natin kailangan ng malaking sistema na magbabantay sa lahat. Kung maganda ang komunidad eh di tayo ay magiging maayos ang pamumuhay gayun din ang pamamahala o panunungkulan,” paliwanag ng Pari.
Batay sa datos ng Commission on Election, tinatayang aabot sa mahigit 65.7 milyong Pilipino ang rehistradong bumoto ngayong darating na May 2022 National Election.
Ang lalawigan ng Batangas ang ika-pito sa maituturing na vote rich provinces sa Pilipinas matapos na magtaglay ng mahigit sa 1.8 milyong botante ngayong darating na halalan.