354 total views
Hinihimok ni Caritas Manila executive director Fr. Anton CT Pascual ang mga kabataan na mag-aral ng kursong agriculture-entrepreneurship.
Ayon kay Fr. Pascual, nakahanda ang simbahan na tumanggap ng isang libong scholar para sa kurso na malaking tulong sa kinabukasan ng Pilipinas bilang agricultural country.
‘We hope na magkaroon tayo ng one thousand na kabataan na gustong bumalik sa lupa at makapagpa-graduate tayo ng at least 200 a year ng mga young farmers,’ ayon kay Fr. Pascual.
Ito rin ayon kay Fr. Pascual ay bilang tugon sa food security ng bansa upang hindi na umasa pa sa pag-angkat ng produkto sa ibayong dagat.
‘At pagkatapos nyan bibigyan siya ng puhunan para magsimula ng pagnenegosyo in partnership with the Department of Agriculture, DoST at iba pang ahensya ng gobyerno, private sector at kooperatiba,’ dagdag pa ng pari.
Ang paanyaya ni Fr. Pascual ay kaugnay na rin sa isinagawang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP Telethon ngayong araw.
Layunin ng telethon na makalikom ng donasyon para sa higit limang libong college at tech/voc scholar ng simbahan.
Ayon sa pari, ito ang panguhing programa ng Caritas YSLEP na maibalik sa pagtatanim at pagnenegosyo ang mga kabataan, hindi lamang maging mga kawani ng mga korporasyon.
DAgdag pa ni Fr. Pascual, maglalaan din ang Caritas Manila ng puhunan sa mga magtatapos sa kurso gayundin ang pakikipagtulungan ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Nilinaw din ng pinuno ng Caritas Manila na ang scholarship program ay hindi lamang limitado sa mga Katoliko kundi maging sa iba ang pananampalataya tulad ng Muslim, protestante maging mga indigenous people.
‘As long na ang bata ay gusto nyang makapagtapos at mabigyan ng kinabukasan ang kanyang sarili at suportado ng kanyang mga magulang,’ayon kay Fr. Pascual.
Ayon sa pari, una na ring hiniling ng mga obispo sa Mindanao na bigyang pagkakataon ang mga bata sa Mindanao na makapag-aral lalo’t marami ang hindi nakatutuntong sa kolehiyo.
Sa katunayan ayon kay Fr. Pascual, dalawang mag-aaral na Muslim ang nakapagtapos ng pag-aaral sa ilalim ng YSLEP ngayong tayon na tumanggap pa ng karangalan bilang magna cum laude sa kanilang pinapasukang unibersidad.