ENVIRONMENT NEWS

Pagkamatay ng isang madre, nilinaw ng St.Therese of the Child Jesus parish

 34,329 total views

Naglabas ng pahayag ang St. Therese of the Child Jesus Parish sa Talisay, Lipa City, Batangas, upang linawin ang kumakalat na balita kaugnay ng pagpanaw ng isang madre sa lungsod.

Inanunsyo ng parokya ang biglaang pagpanaw ni Sr. Rita Rama, na kasapi ng Blessed Sacrament Missionaries of Charity, na natagpuang walang buhay noong June 27, 2025, sa inuupahang apartment sa Lipa City.

Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Police at Scene of the Crime Operatives (SOCO) at sa isinagawang autopsy, ang sanhi ng pagpanaw ng madre ay myocardial infarction o atake sa puso.

Nilinaw ng parokya na walang nakitang ebidensya ng karahasan o pang-aabusong sekswal, taliwas sa mga kumakalat na ulat na natagpuang nakahandusay ang madre, walang saplot, at may bakas ng dugo sa maselang bahagi ng katawan.

“No evidence of foul play or sexual assault was found. Cremation immediately followed after the autopsy because her body was found in the state of advanced decay,” ayon sa pahayag ng parokya.

Si Sr. Rama ang nangasiwa sa dalawang mission communities sa Dagatan Creek at Paanan ng Bundok sa Barangay Talisay, kung saan tumulong siya sa espiritwal at materyal na pangangailangan ng mga residente.

Kabilang sa kanyang mga nagawa ang pagpapatayo ng mahigit 40 bahay para sa mga pamilyang kapus-palad sa Dagatan Creek.

Nagsilbi rin si Sr. Rama bilang “prayer cathecist” na nagtuturo ng mga panalangin sa mga pampublikong paaralan.

Kasalukuyang inaayos ng pamilya at ng mga kasama sa kongregasyon ang mga detalye ng burol at libing ni Sr. Rama, habang ang kanya namang mga abo ay pansamantlang nakalagak sa San Fernando Funeral Homes, Lipa City.

Para naman sa karagdagang legal na katanungan, maaaring makipag-ugnayan kay Ms. Marietta H. Fayre, ang Public Information Officer ng parokya, sa numerong 0917-504-7223.

Mga atleta, hinimok ni Cardinal Advincula na linisin ang puso at yakapin ang pananampalataya

 43,073 total views

Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga atleta at kabataan na linisin ang puso at yakapin ang pananampalataya sa pamamagitan ng kababaang-loob, pagtanggap ng pagkatalo, at pagmamalasakit sa kapwa.

Ito’y sa kanyang pangunguna sa Banal na Misa para sa pagbubukas ng Jubilee of Athletes sa St. John Bosco Parish, Makati City nitong June 28, 2025.

Ayon kay Cardinal Advincula, ang sports o pampalakasan ay hindi lamang pisikal na gawain, kundi maituturing ding paglalakbay ng pananampalataya.

Ibinahagi ng kardinal ang mensahe ni Pope Leo XIV sa mga atleta sa Jubilee of Sports sa Vatican noong June 14-15, 2025, kung saan inilarawan ang Diyos bilang “Deus Ludens” o Diyos na aktibo’t buhay, tulad ng isang manlalaro.

“For the Pope, sports contribute to our growth in human and Christian virtues. Sports teach us the value of cooperating, working together, and sharing,” ayon kay Cardinal Advincula.

Aniya, binibigyang-halaga ng pampalakasan ang kababaang-loob, pagtanggap sa pagkatalo, at lakas ng loob na bumangon, sapagkat ang tunay na nagwawagi ay hindi laging panalo, kundi ang marunong tumindig sa pagkadapa.

“Champions are not perfectly functioning machines, but real men and women who, when they fall, find the courage to get back on their feet,” ayon sa kardinal.

Iniugnay din ni Cardinal Advincula ang gawain sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus at ang kasunod nitong paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.

Ayon sa arsobispo, ang puso ni Hesus ay puspos ng awa at pagmamahal, habang ang puso ni Maria ay dalisay dahil ito’y buung-buo para kay Hesus.

Dagdag pa ng kardinal na tulad ng puso ng isang ina, puno ito ng alaala at malasakit para sa kaniyang anak, isang halimbawang dapat tularan ng bawat isa, lalo na ng mga kabataan.

Sa huli’y hinikayat ni Cardinal Advincula ang mga kabataan na tularan ang dalisay na puso ni Maria, na masigasig, mapagmalasakit, marunong umunawa, magmahal, at magpatawad.

“Like our Blessed Mother, let us invite Jesus to dwell in our hearts so that our hearts too may become pure and spotless like hers. Let us strive daily to have a clean and pure heart… This is our prayer. This is the grace we ask for. That our hearts may be holy like the heart of Mary, and pure like the heart of Jesus, and pure like the heart of Mary,” ayon kay Cardinal Advincula.

Itinalaga ng Archdiocese of Manila ang St. John Bosco Parish bilang Jubilee Church for Artists, Musical Bands, and Athletes kaugnay ng pagdiriwang ng Simbahan sa 2025 Jubilee Year of Hope.

Bishop Varquez, nagbabala laban sa grupong nagpapanggap na Katoliko sa Eastern Samar

 22,483 total views

Pinag-iingat ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang mga mananampalatayang katoliko hinggil sa presensya ng isang grupong hindi kabilang sa Simbahang Katolika sa ilang barangay sa Eastern Samar.

Sa pahayag, binalaan ni Bishop Varquez ang mga mananampalataya kaugnay sa mga gawain ng Apostolic Catholic Church (ACC), na kilala rin bilang Apostolika’t Katolikang Simbahan o Simbahang Apostolika Katolika.

Itinatag ang nasabing grupo, noong 1992 ni John Florentine Teruel, na sinasabing aktibo sa ilang pamayanan sa loob ng diyosesis, kabilang ang mga barangay ng Bato, Pinanag-an, at Baras sa Borongan City, maging sa bayan ng Guiuan.

“While we respect their right to practice their religion, it is crucial that we remain steadfast in our Catholic identity,” ayon kay Bishop Varquez.

Pagbabahagi ng obispo na ang mga ministro ng ACC ay nagsusuot ng kasuotang pang-misa na kahalintulad ng sa mga pari ng Simbahang Katolika, dahilan kaya’t may ilang mga miyembro ng parokya ang nalilito.

Hinimok ni Bishop Varquez ang mga Katoliko na huwag dumalo sa mga pagsamba at misa ng ACC, lalo na ang mga pagdiriwang ng Eukaristiya, gayundin ang hindi dapat pagpapagamit sa mga simbahan at kapilya ng diyosesis para sa mga sakramento o gawain ng nasabing grupo.

“In the face of religious diversity, it is important that we remain strong in our convictions and deepen our understanding of our Catholic Faith. We must educate ourselves about the teachings of the Church while embracing the richness of our Catholic traditions,” saad ni Bishop Varquez.

Samantala, naglabas din ng babala ang Diyosesis ng Imus matapos makatanggap ng ulat kaugnay sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga paring Katoliko Romano at nagsasagawa ng mga ritwal ng Simbahan sa lalawigan ng Cavite.

Paalala ng simbahan sa mamamayan na maging mapanuri at mapagmatyag laban sa mga mapagsamantalang indibidwal na ginagamit ang pangalan ng simbahan para sa pansariling interes at iba pang mapanlinlang na gawain.

25-taong FTAA ng Ocenagold, pinapawalang bisa ng Diocese of Bayombong

 20,741 total views

Nagpapatuloy ang pagdinig sa Regional Trial Court (RTC) ng Nueva Vizcaya kaugnay sa kontrobersyal na 25-taong Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) para sa operasyon ng minahan sa Barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Tinututulan ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, na siyang pangunahing petitioner sa kaso, ang kakulangan ng public consultation sa proseso ng pagpapahintulot sa panibagong FTAA, na nagbigay-daan muli sa mapaminsalang minahan, sa kabila ng matinding pagtutol ng mga apektadong residente at pamayanan.

“This pattern continues to date, as OceanaGold made recent pronouncements of spending millions of dollars for mining exploration this year and we still have yet to hear about any public consultation for these developments,” pahayag ni Bishop Mangalinao.

Magugunita noong April 22, 2024 nang magpasa ng special civil action ang mga petitioner na humihiling ng Certiorari para ipawalang-bisa ang kasalukuyang FTAA at operasyon ng minahan, at ng Continuing Mandamus para sa agarang rehabilitasyon ng open pit facility.

Samantala, noong April 2, 2025, naglabas ng hating desisyon ang RTC na ipinag-utos ang pre-trial para sa Continuing Mandamus ngunit isinantabi ang kahilingan para sa Certiorari, sa pagsasabing ang renewal ay itinuturing lamang na pagpapalawig ng dating kasunduan at hindi nangangailangan ng panibagong konsultasyon.

Nilinaw naman ni Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) legal counsel Atty. Rolly Peoro, na walang batayang legal sa FTAA renewal agreement, Philippine Mining Act, o sa Saligang Batas ang tinatawag na karaniwang pagpapalawig ng kasunduan.
Iginiit ni Peoro na kahit extension lamang ng exploration phase ang pinag-uusapan, dapat pa ring sundin ang itinakdang konsultasyon sa publiko alinsunod sa Local Government Code.

Nakasaad naman sa Motion for Reconsideration ng mga petitioner na: “Ultimately, the failure to secure prior consultations and obtain the requisite endorsements from the appropriate Sanggunian bodies is not a mere technical lapse, but a substantive and jurisdictional defect. Such conduct, in manifest violation of both statutory and constitutional safeguards, undeniably constitutes grave abuse of discretion warranting judicial correction.”

Nagtapos ang 25-taong mining permit ng OceanaGold noong 2019, ngunit binigyan ng panibagong permiso ng Office of the President noong 2021 para sa karagdagang 25-taon.

Itinuturing ang Nueva Vizcaya bilang “watershed haven” dahil sa taglay nitong mga watershed na tumutugon sa pangangailangang patubig at pang-agrikultura ng lalawigan.

Mananampalataya, binalaan ng Diocese of Imus sa mga pekeng paring katoliko

 13,710 total views

Nagbabala ang Diyosesis ng Imus sa mga mananampalataya kaugnay ng mga ulat hinggil sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga paring Katoliko Romano at nagsasagawa ng mga ritwal ng Simbahan.

Sa liham sirkular, ipinabatid ni Bishop Reynaldo Evangelista na nakatanggap sila ng mga ulat tungkol sa mga nagsasagawa ng mga ritwal ng liturhiya kabilang ang paggagawad ng mga sakramento tulad ng Binyag, Banal na Eukaristiya, Kasal, at iba pang uri ng pagbabasbas, gamit ang Rito ng Simbahang Katoliko Romano, kahit mga hindi lehitimong pari.

“It has come to our attention, through reports from concerned members of the faithful of the Diocese of Imus, that certain individuals perform liturgical rites… using the Roman Catholic Rite despite not being validly ordained Roman Catholic Priests,” ayon kay Bishop Evangelista.

Pinaalalahanan ng obispo ang mananampalataya at mga katolikong institusyon, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, paaralan, negosyo, punerarya, tanggapan, at mga establisimyento, na ang pagtanggap ng mga sakramento mula sa mga hindi lehitimong pari ay hindi lamang labag sa batas ng Simbahan kundi hindi rin katanggap-tanggap alinsunod sa Code of Canon Law.

“I kindly remind all Catholic communities and concerned institutions… that the administration of these sacraments or liturgical rites by these persons is not only illicit but also invalid, as stipulated in the Code of Canon Law 1168-1170.”

Bilang pag-iingat, hinimok ni Bishop Evangelista ang publiko na mas makabubuting bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng parokya ng Simbahang Katoliko upang tiyakin ang mga itinakdang gawain, oras ng serbisyo, at iba pang katanungan.

Saklaw ng Diyosesis ng Imus ang buong lalawigan ng Cavite, na binubuo ng 150 pari sa 89 parokya, at gumagabay sa mahigit 3.5 milyong Katoliko.

Patuloy naman ang paalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mamamayan na maging mapanuri at mag-ingat laban sa mga indibidwal na ginagamit ang pangalan ng simbahan para sa pansariling interes at iba pang mapanlinlang na gawain.

Pangangalaga sa kalikasan, panawagan ng DENR

 23,731 total views

Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pagkakaisa sa pagtatanim at pangangalaga ng kalikasan sa pagdiriwang ng Arbor Day ngayong taon.

Sa mensahe ni DENR Secretary Raphael P. M. Lotilla, iginiit niyang ang Arbor Day ay hindi lamang isang makabuluhang pagdiriwang kundi mahalagang pagkakataon upang ipakita ang sama-samang pangako ng mga Pilipino sa pangangalaga ng kalikasan.

“Each tree planted is not only a lasting gift. It is an investment in the health, resilience, and future of our communities,” pahayag ni Lotilla.

Batay sa Republic Act No. 10176 o Arbor Day Act of 2012, ginugunita taon-taon ang Arbor Day bilang pambansang panawagan para sa pagtatanim ng mga puno at pagpapanumbalik ng kapaligiran.

Binibigyang-diin nito ang karapatan ng bawat Pilipino sa malusog na kapaligiran at ang mahalagang tungkulin ng mga punongkahoy sa pagharap sa krisis sa klima.

Ayon pa kay Lotilla, patuloy ang mga hakbang ng DENR sa larangan ng reforestation, urban greening, at sustainable forest management sa ilalim ng Enhanced National Greening Program, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, civil society, katutubong pamayanan, at bawat mamamayang handang magtanim, mag-alaga, at magpanatili ng kagubatan.

“Let this Arbor Day be a starting point. Together, let’s grow and inspire further protection of our forests that will outlive us—providing silent but enduring sentinels of clean air, biodiversity, and climate action for generations to come,” ayon kay Lotilla.

Sa panig naman ng simbahan, isinusulong ng Caritas Philippines sa ilalim ng Alay Kapwa para sa Kalikasan, ang Bamboo Forest Project upang palaganapin sa 86 diyosesis ang pagtatanim ng kawayan at iba pang punongkahoy bilang tugon sa epekto ng climate crisis.

Caritas Philippines, nanawagan ng suporta sa Alay Kapwa anniversary benefit concert

 41,810 total views

Muling inaanyayahan ng humanitarian, development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan na suportahan ang isasagawang benefit concert bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Alay Kapwa.

Ito ang “Pagdiriwang ng Pag-asa: The Alay Kapwa 50th Anniversary Benefit Concert” na inihahandog ng Caritas Philippines, na gaganapin sa July 8, 2025, Martes, alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tampok sa gawain bilang main performers ang OPM band na Ben&Ben, na ang mga vocalist na sina Paolo at Miguel Benjamin Guico ay una nang pinili bilang bagong mission advocates ng Alay Kapwa.

Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, malaking tulong ang presensya ng Ben&Ben upang makahikayat ng mas maraming tagasuporta, lalo na mula sa mga kabataan, para sa adhikain ng Alay Kapwa.

“Pinagpala kami ng Diyos. It is a gift from God — itong Ben&Ben — na sila ang aming magiging main performers. Because of that sila ‘yung aming napili at nag-agree naman sila na maging ambassadors ng Alay–Kapwa… wala silang hinihingi kundi ang dasal lang ng ating simbahan para sa kanila,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam sa Barangay Simbayanan ng Radyo Veritas.

Ang Ben&Ben din ang napiling umawit ng official themesong para sa ika-50 anibersaryo na pinamagatang “Sa Kapwa Ko ay Alay,” na isinulat ni Robert Labayen at nilapatan ng musika ni Jonathan Manalo.

Kabilang din sa mga inaasahang performers at panauhin sa benefit concert sina Ms. Charo Santos, Jolina Magdangal, Melai Cantiveros-Francisco, Barbie Forteza, Gabbi Garcia, Erik Santos, at iba pang personalidad at grupo.

Nagkakahalaga ang concert tickets ng P150 para sa General Admission; P200 sa Upper Box B; P500 sa Upper Box A; P700 sa Lower Box; P1,500 sa Patron; at P5,000 sa SVIP.

Sa mga nagnanais bumili ng concert tickets, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Caritas Philippines at Alay Kapwa para sa karagdagang detalye.

Simbahan, hinimok na alisin ang pamumuhunan sa mga industriyang nakakasira sa kalikasan

 28,967 total views

Hinimok ni Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang mga katiwala ng pananalapi ng Simbahan na muling suriin ang mga pamumuhunan nito upang matiyak na hindi ito nakikinabang mula sa mga industriyang nakapipinsala sa tao at kalikasan.
Binigyang-diin ni Bishop Bagaforo na dapat sumasalamin sa mga turo ni Kristo ang mga pamumuhunan ng Simbahan, sapagkat kung hindi ay nanganganib itong masira ang dangal at tiwala ng mga mananampalataya.

Ginawa ni Bishop Bagaforo ang panawagan sa kanyang pagninilay para sa 24th Archdiocesan Financial Administrators of the Philippines Convention noong June 19, 2025 sa Sto. Niño de Bula Parish sa General Santos City.

“We cannot preach justice on Sunday while profiting from injustice on Monday… Our finances are not just tools — they are moral acts. They either support human dignity and the common good, or they fuel destruction and inequality,”
pahayag ni Bishop Bagaforo.

Matatandaan sa mga pastoral statement ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong 2019 at 2022, nanawagan ang mga obispo sa lahat ng institusyong Katoliko — kabilang ang mga diyosesis, paaralan, at kongregasyon — na umiwas sa pamumuhunan sa mga mapaminsalang industriya tulad ng coal at fossil fuels, pagmimina, at ilegal na pagtotroso.

Ayon kay Bishop Bagaforo, ang divestment ay hindi isang padalus-dalos na pagbawi ng pondo, kundi isang moral na paninindigan.

“The true wealth of the Church lies not in its assets, but in its witness to the Gospel — especially in the face of suffering, injustice, and ecological collapse,” giit ni Bishop Bagaforo.

Bilang halimbawa ng negatibong epekto ng mapaminsalang pamumuhunan, binanggit ni Bishop Bagaforo ang mga kaso ng sapilitang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno sa Sierra Madre, pagkalason ng baybayin sa Maynila na apektado ang mga mangingisda, at mga pamayanang sinira ng pagmimina sa Mindanao.

Sa kabila nito, kinilala ng obispo ang mahalagang gampanin ng mga katiwala ng pananalapi bilang mga tagapangalaga ng pag-asa at tagapagtaguyod ng katarungan.

Hamon ni Bishop Bagaforo sa mga tagapangasiwa na maging tapat sa tungkuling ipinagkatiwala ng Simbahan at isabuhay ang pananampalataya sa bawat hakbang — lalo na sa paggamit ng pondo para sa kapakanan ng mga higit na nangangailangan.

“Let us ensure that every peso invested by the Church becomes a seed for the Kingdom of God — a seed that brings life, dignity and healing to those who need it most,” ayon kay Bishop Bagaforo.

Father Evan Villanueva, muling nahalal na Provincial Superior of the Camillian Philippine Province

 37,313 total views

Nagpaabot ng pagbati ang Camillian Philippine Province kay Fr. Evan Paul Villanueva, MI sa muling pagkakahalal bilang Provincial Superior ng Order of the Ministers of the Infirm Philippines sa susunod na tatlong taon.

Kasunod ito ng opisyal na liham mula kay Camillian Superior General Fr. Pedro Celso Tramontin, na muling nagtalaga kay Fr. Villanueva upang pamunuan ang mga paring Kamilyano sa bansa sa mula 2025 hanggang 2028.

“We joyfully congratulate Fr. Evan Paul A. Villanueva, MI on his re-election as Provincial Superior of the Camillian Philippine Province for the next triennium (2025–2028). May God continue to bless your ministry with wisdom, compassion, and strength as you lead the Province forward in faith and service,” paghayag ng Camillians Philippines.

Sa liham, hinikayat ni Fr. Tramontin si Fr. Villanueva na patuloy na isabuhay ang diwa ng pag-ibig at paglilingkod, sa inspirasyon at gabay ng tagapagtatag ng kongregasyon na si San Camilo de Lellis.

Binigyang-diin din ng Superior General ang kahalagahan ng pagkakapatiran at pananagutan upang higit pang mapalalim ang misyon ng pag-aalay ng sarili sa paglilingkod sa mga may karamdaman, sa pamamagitan ng pagsunod sa Panginoong Hesukristo.

“Comforted by the grace of God, may you promote in the spirit of love and service, the unity and responsibility of your brothers in the provincial community, so that, everyone will consecrate themselves with joy to the service of the sick by following Christ,” ayon kay Fr. Tramontin.

Kasalukuyang pinamumunuan ni Fr. Villanueva ang humigit-kumulang 130 Kamilyanong pari at relihiyoso na nagmimisyon sa Pilipinas, Taiwan, Indonesia, at Australia.

Noong Marso ng kasalukuyang taon, ipinagdiwang ng Camillian Philippine Province ang ika-50 anibersaryo ng pagmimisyon sa Pilipinas sa temang “Puso sa Misyon: Limang Dekadang Pasasalamat, Pagninilay, at Pagtugon sa Misyon ng Diyos.”

Unang dumating sa Pilipinas ang mga Kamilyano noong 1974, sinimulan ang lokal na bokasyon at pagtatatag ng religious houses noong March 8, 1975, at ganap na naitatag ang Camillian Philippine Province noong July 1, 2003.
Si San Camilo de Lellis ang nagtatag ng Ministers of the Sick, na kalauna’y kinilala bilang Ministers of the Infirm o Camillians, na ang tungkuli’y maglingkod sa mga maysakit at higit na ilapit ang kagalingang hatid ng Panginoong Hesukristo.

Cardinal David, nababahala sa paglaganap ng legalized online gambling

 23,882 total views

Nanawagan sa publiko at sa pamahalaan si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa panibagong krisis na kinakaharap ng bansa.

Ayon kay Cardinal David, labis na nakababahala ang paglaganap ng legalized online gambling na pumipinsala sa buhay ng maraming Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.
Sinabi ng kardinal na ang makabagong pagsusugal ay gumagamit ng recycled hardware mula sa mga ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), at ngayo’y pagmamay-ari na ng mga lisensyadong casino operators.

Bukod dito, naa-access ito anumang oras at araw, mas kumikita kumpara sa tradisyunal na casino, at ini-endorso pa ng mga kilalang personalidad—na lalong nagpapadali na maabot ng mga Pilipino, kabilang ang kabataan.

“Victimizing—not foreigners but our own people… totally unregulated, wrecking the lives of poor people who get addicted to it,” pahayag ni Cardinal David.

Binigyang-diin din ni Cardinal David na ang kawalan ng regulasyon sa mga nasabing pagsusugal ay naglalantad sa mga mahihirap sa panganib ng pagkalulong, pagkabaon sa utang, depression, at pagkasira ng pamilya—na nagpapalala sa umiiral na krisis sa kalusugang pangkaisipan.

Ibinahagi ng kardinal ang pahayag ng Panginoon mula sa ebanghelyo ni San Lucas na binabalaan ang mga taong sinasamantala ang kahinaan ng iba—katulad ng online gambling operators na nakikinabang sa pagkalulong ng mahihirap at kabataan, habang inilalagay sa panganib ang kanilang kalusugang pangkaisipan, pamilya, at kinabukasan.

“Jesus once warned those who cause the little ones in society to stumble: It would be better for him if a millstone were put around his neck and he be thrown into the sea,” ayon kay Cardinal David.

Panawagan naman ng Simbahan sa pamahalaan na magpatupad ng mahigpit na pamantayan o tuluyan nang ihinto ang operasyon ng online gambling sa bansa.

Mga pari ng Diocese of Tagbilaran, nagtanim ng Narra tree

 15,710 total views

Nagkaisa ang mga Paring Bol-anon mula sa Diyosesis ng Tagbilaran sa pagtatanim ng mga puno ng Narra sa bayan ng Sikatuna, Bohol.

Inihayag ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na humigit-kumulang sa 90 Narra tree ang itinanim sa Sikatunarra Tree Park, na alay sa bawat obispo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.

Bahagi rin ang gawain ng pagdiriwang ng Diyosesis sa Jubilee Year of Hope for the Environment at paghahanda sa nalalapit na retreat at ika-130 Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

“Each Paring Bol-anon from the Diocese of Tagbilaran planted a Narra tree in honor of a Catholic bishop in the Philippines. This symbolic act is in anticipation of the upcoming Retreat and Plenary Assembly of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP),” ayon kay Bishop Uy.

Sinabi ni Bishop Uy na sinisimbolo ng gawain ang makabuluhang hakbang ng Simbahan sa panawagan para sa pangangalaga at pagpapahalaga sa kalikasan, kasabay ng pagkilala sa mahalagang tungkulin ng mga obispo sa buhay ng sambayanang Katoliko.

Nagpapasalamat naman ang obispo sa suporta ng Pamahalaang Bayan ng Sikatuna sa pangunguna ni Mayor Jecjec Ellorimo upang maisakatuparan ang makakalikasang gawain.

“We are deeply grateful to Mayor Jecjec Ellorimo and the Local Government Unit of Sikatuna for their generous support in making this meaningful activity possible,” ayon kay Bishop Uy.

Una na ring kinilala ni Bishop Uy ang Sikatunarra Tree Park Project ng lokal na pamahalaan, na hango sa pinagsamang pangalan ng bayan ng Sikatuna at ng Narra—ang Pambansang Puno ng Pilipinas.

Layunin ng proyekto na magtanim ng daan-daang libong puno ng Narra sa mga bakanteng lupain ng bayan upang gawing malawak na tree park para sa mga susunod na henerasyon.

Paglala ng pangkalikasang kalagayan ng Albay, pinangangambahan ng simbahan

 16,589 total views

Mariing nanindigan ang Diyosesis ng Legazpi laban sa lumalalang kalagayan ng kalikasan sa lalawigan ng Albay, kasabay ng panawagan sa mga nasa kapangyarihan na managot sa mga proyektong nagdudulot ng pinsala sa kapaligiran at pamayanan.

Sa inilabas na pastoral statement, binigyang-diin ng diyosesis, sa pangunguna ni Bishop Joel Baylon, ang matinding pangangailangang tugunan ang patuloy na pag-abuso sa kalikasan.

Kabilang sa mga usaping binanggit ang mapaminsalang quarrying sa paligid ng Bulkang Mayon—na itinuturing bilang protected area; ang pagkaubos ng kagubatan na nagbabantang sumira sa biodiversity at nagpapalayas sa mga hayop at halaman; at ang pagbabara at pagbabago sa mga daluyan ng tubig na nagdudulot ng pagbaha, lalo na sa mabababang lugar.

“The worsening state of our environment, the distress of many communities, and the moral questions surrounding the use of public resources compel us to speak — not as critics from afar, but as shepherds who walk with the people of Albay,” pahayag ng Diyosesis ng Legazpi.

Binatikos din sa pahayag ang kakulangan ng konsultasyon sa mga pamayanan, ang hindi malinaw kung sino ang tunay na nakikinabang sa mga proyekto, at ang pagwawalang-bahala at pagkalimot sa pagkakabilang at pagkilala sa Albay bilang isang UNESCO Biosphere Reserve.

Aminado rin ang mga pari at obispo na may mga pagkakataong hindi naging sapat ang kanilang tinig sa mga mahahalagang usapin hinggil sa kapaligiran.

“For the times we remained silent when we should have spoken, for the moments we chose comfort over courage, and for any failure to stand clearly on the side of what is just and right — we sincerely ask forgiveness from God and from the people we are called to serve,” ayon sa pahayag.

Kasabay ng pagdiriwang sa Hubileo ng Pag-asa, Year of Stewardship ng Diyosesis ng Legazpi, at paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Laudato Si’ ni Papa Francisco, nanawagan ang Simbahan sa mamamayan ng Albay, at sa mga opisyal ng pamahalaan na isabuhay ang pagiging makatarungan, tapat, at may pananagutan sa tungkuling pangalagaan ang kalikasan at kapakanan ng kinasasakupan.

“Do not allow development to become an excuse for destruction. When public projects ignore environmental safeguards, override communities, or enrich only the few, they betray the common good. We ask you: Be transparent. Be accountable. Be just… Albay deserves better — and we can still choose to do better,” giit ng diyosesis.

Magugunita noong Marso nang kasalukuyang taon, tahasang tinutulan ng diyosesis ang kontrobersiyal na “Mayon Volcano Heritage Aesthetic Lighting Project,” na layong paunlarin ang turismo at ekonomiya ng Albay, ngunit binatikos dahil sa posibleng masamang sa likas na kalagayan ng bulkan.

Diocese of Lucena, naninindigan laban sa maruming enerhiya

 24,449 total views

Muling nanindigan ang Diyosesis ng Lucena laban sa paggamit ng maruming enerhiya kasabay ng paggunita ng mamamayan ng Atimonan at karatig-bayan sa Quezon sa isang dekada ng paninindigan laban sa pagtatayo ng fossil gas power plant sa lalawigan.

Ayon kay Quezon for Environment at Lucena Diocesan Ministry on Ecology director, Fr. Warren Puno, sampung taon na ang lumipas ngunit hindi pa rin naitatayo ang proyektong Atimonan One Energy, patunay ng matatag na pagtutol ng simbahan at sambayanan para sa malinis, ligtas, at makatarungang enerhiya.

“Sampung taon na ang nakalipas… ni isang poste ng planta ay wala pang naitayo—patunay na nananatiling buhay at matatag ang pagtutol ng mga tao, ng simbahan, at ng sambayanan para sa kalikasan at kinabukasan,” pahayag ni Fr. Puno.

Pagbabahagi ng pari, ang usaping pangkalikasan sa lalawigan ay hindi isinantabi ng diyosesis bagkus, binigyang-pansin at mariing tinutulan ang mga mapaminsalang proyektong makakaapekto sa kalikasan at buhay ng tao.

Dagdag ni Fr. Puno, ang pagtutol ng Simbahan ay hindi simpleng pananaw laban sa isang proyekto, kundi moral na paninindigang nakaugat sa ebanghelyo—ang pagpanig sa kalikasan, sa mahihirap, at sa buhay.

“Ang simbahan ay simbahan ng mga dukha at para sa mga dukha. Hindi maaaring tumahimik ang simbahan kapag ang kabuhayan ng mangingisda ay nanganganib, kapag ang hangin at tubig ay malalason, kapag ang kalikasan—ang tahanan ng lahat—ay sinisira para sa kita ng iilan. Ang maruming enerhiya ay hindi lang usapin ng teknolohiya; ito ay usapin ng buhay, katarungan, at pananampalataya,” giit ni Fr. Puno.

Bukod dito, inalala rin ng pari ang pagkakatatag sa Quezon for Environment, isang malawak na pagtutulungan ng simbahan, mamamayan, at iba’t ibang sektor na naging pangunahing tinig sa pagtutol sa proyekto sa nakalipas na sampung taon.

Binigyang-diin naman ni Fr. Puno, na hindi pa tapos ang laban dahil nananatili pa ring banta ang pagtatayo ng planta, kaya’t mas kailangang paigtingin ang panawagan para sa renewable energy bilang tugon sa lumalalang krisis sa klima at kakulangan sa enerhiya sa bansa.

“Huwag natin hayaang muling sakupin ng maruruming industriya ang ating lalawigan. Ang Quezon ay para sa kalikasan. Ang Quezon ay para sa kinabukasan… Ang Simbahan ay mananatiling kasama, kakampi, at tagapagtanggol ng sangnilikha—sapagkat ang ating Diyos ay Diyos ng buhay, hindi ng pagkasira,” ayon kay Fr. Puno.

Kabilang sa mga naging gawain sa pagdiriwang ang Banal na Misa sa Our Lady of Angels Parish sa Atimonan, na sinundan ng lakad-dasal patungong Bay Park, kung saan sinalubong ng mga mangingisda ang mga lumahok sa pamamagitan ng isang fluvial procession, bilang sagisag ng pagkakaisa ng lupa at dagat sa laban para sa kalikasan.

Tema ng pagdiriwang ang “Isang Dekada ng Pakikibaka: Laban Para sa Malinis na Enerhiya at Inang Kalikasan”, na kasabay ng pagdiriwang sa World Environment Day noong June 5, 2025, na layong pagbuklurin ang mamamayan sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan—ang inang kalikasan.

Lumalalang epekto ng climate crisis, pinangangambahan

 20,078 total views

Nagpaalala si Fr. Marlito Ocon, SJ, head chaplain ng University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH), hinggil sa lumalalang epekto ng krisis sa klima matapos muling bahain ang paligid ng ospital noong hatinggabi ng June 8.

Sa isang post sa social media, ibinahagi ni Fr. Ocon ang kanyang pagkabigla at pagkadismaya sa muling pagbaha sa loob ng compound ng PGH, sa kabila ng mga linggong taglay ang matinding init ng panahon.

Iginiit ng pari na hindi simpleng usapin ng masamang panahon ang pangyayari, kundi malinaw na senyales ng patuloy na lumalalang pagbabago ng klima at ng kakulangan ng agarang tugon mula sa pamahalaan.“PGH grounds at 12:00 midnight, baha na naman. Nasaan na ang flood control projects? Ang init-init, as in init ng panahon sa loob ng mga nakaraang linggo, tapos bigla na lang bumaha. This pattern of extremes—searing heat followed by sudden deluge—leaves people in a constant state of crisis. Vulnerable populations suffer the most, trapped in a cycle of displacement, loss, and rebuilding with little support,” pahayag ni Fr. Ocon.

Ayon pa sa paring Heswita, na ang ganitong mga sitwasyon ay patuloy lamang na magpapalala ng kalagayan ng mga mahihirap at mahihinang sektor kung hindi agad kikilos ang pamahalaan at ang sambayanan upang tugunan ang sanhi ng climate crisis.

Muling binigyang-diin ni Fr. Ocon ang pangangailangang pabilisin ang pagpapatupad ng flood control projects at mga hakbang para sa climate adaptation at resilience, lalo na sa mga pampublikong ospital at pasilidad na kritikal sa panahon ng sakuna.

“This is not just bad weather—it is a symptom of a changing climate and our failure to address the problem. This crisis is growing more dangerous each year. Without urgent action, these extremes will only intensify, deepening the suffering of those already on the edge,” ayon kay Fr. Ocon.

June 2 nang opisyal na ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa, kung saan tinatayang nasa 11 hanggang 19 bagyo ang inaasahang mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility mula Hunyo hanggang Nobyembre.

Samantala, ginugunita rin ngayong Hunyo ang 37th Philippine Environment Month na may temang “Ending Global Plastic Pollution,” na layong paigtingin ang kamalayan ng publiko sa pangangalaga ng kalikasan, kabilang ang pag-iwas sa paggamit ng plastic na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagbaha.

Senator judges, pinaalalahanan ng Obispo na “justice delayed is justice denied”

 26,572 total views

Nanawagan ang humanitarian, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa makatarungan at malinaw na pagtalakay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang mahalagang yugtong ito ng kasaysayan ng demokrasya ng bansa ay dapat na nakaugat sa katotohanan, katarungan, at pagkalinga sa kapakanan ng nakararami—lalo na ng mga mahihirap at nasa laylayan.

Iginiit ni Bishop Bagaforo, na ang anumang hakbang patungong impeachment laban kay VP Duterte ay dapat isagawa nang may paggalang sa legal na proseso at malayo sa impluwensiya ng pulitika o pansariling interes.

“We call on our leaders to act with the highest sense of urgency. Let us be reminded that ‘Justice delayed is justice denied.’,” pahayag ni Bishop Bagaforo.

Dagdag pa ng obispo, bilang simbahang naglilingkod sa mga mahihirap at inaapi, mahalagang tiyaking ang anumang prosesong legal o pulitikal ay nakaugat sa katotohanan at hindi sa pansariling kapakanan.

“The ultimate goal must always be the concern for the welfare of the Filipino people—especially the poor, the marginalized, and those whose voices are often unheard,” ayon kay Bishop Bagaforo.

Umaasa si Bishop Bagaforo na maging pagkakataon ito upang ipakita ng mga lider ng bansa ang katapangan, manindigan ang mga institusyon sa katarungan, at hilingin ng mamamayan ang pananagutang nakaugat sa malasakit at katotohanan.

“We call on everyone to remain vigilant, discerning, and united in prayer—that this chapter in our nation’s journey may lead us closer to genuine peace, good governance, and a more just society for all,” dagdag ng obispo.

Nanumpa nitong Lunes, Hunyo 9, si Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court, habang inaasahan naman ngayong araw, Hunyo 10, na manunumpa rin ang mga senador bilang mga hukom sa impeachment trial laban kay VP Duterte.

Scroll to Top