58,941 total views
Mga Kapanalig, tinuruan tayo ni Pope Benedict XVI sa kanyang liham na Caritas in Veritate na ang pag-unlad o development ay hindi nasusukat sa materyal o pinansyal na pamantayan. Ang tinawag niyang integral human development ay sumasaklaw sa pagyabong ng buong tao–pisikal, emosyonal, espirituwal, at moral. Dagdag niya, mahalaga ang gampanin ng edukasyon sa pagkamit ng integral human development.
Paano nga lang kung mismong edukasyon na ang nangangailangan ng pag-unlad? Nahaharap ngayon ang Pilipinas sa isang malalang krisis ng edukasyon. Batay sa Year 2 Report ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, iba’t ibang suliranin ang dapat bigyang-pansin ng pamahalaan at ng mga institusyon para tugunan ang krisis sa edukasyon. May tatlong bagay tayong tututukan.
Una ay ang tama at malusog na nutrisyon at pangangatawan ng mga mag-aaral, partikular ng mga batang musmos. Batay sa EDCOM Report, 25% o isa sa bawat apat na batang tatlo hanggang limang taóng gulang lang ang nakakatanggap ng tamang nutrisyon. Kaugnay ito sa suliraning inilatag ng report na malaki ang kakulangan sa pagbibigay-tuon sa Early Childhood Care and Development na mahalaga sa paghubog ng pag-iisip at pagkatuto ng basic literacy at numerical competencies.
Pangalawa ay ang matinding kakulangan sa textbooks, sa mga pasilidad katulad ng classrooms, at sa mga guro. Ayon sa EDCOM II Report, ang mga nasa Grade 5 at Grade 6 lamang ang may kumpletong set ng mga textbooks. Ang kapasidad ng mga classrooms ay lagpas na sa ideyal na 25 hanggang 45 na estudyante. Nasa 62% ng mga guro ay nagtuturo ng mga subjects na hindi nila specialization o college major. Sa mga datos na ito, nakikita natin ang malalaking agwat sa mga pangunahing sangkap na nakatutulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
At panghuli ay ang laganap na bullying sa mga paaralan. Batay sa report, 65% ng mga mag-aaral ang nakararanas ng bullying sa paaralan mahigit isang beses sa isang buwan. Isa itong nakalulungkot na realidad dahil nakaaapekto ang bullying sa academic performance ng mga estudyante. Physical bullying ang karaniwang uri ng bullying, at mayroon ding verbal, mental, at cyberbullying na nagaganap.
Hindi natin maiiwasang mabahala sa kalagayan ng ating education system. Ayon sa muli sa katuruan ni Pope Benedict XVI tungkol sa integral human development, dapat natin muling suriin kung para saan o para kanino ba ang ating edukasyon. Sa konteksto ng ating edukasyon, mariing pinaalalahanan tayo ng yumaong Santo Papa na ang layunin ng ating edukasyon ay dapat nakatuon sa paghubog ng ating pagkatao. Nag-aaral tayo hindi lamang para maging mga empleyado o propesyonal na sumusuweldo. Hindi! Ang higit na layunin ng edukasyon ay ang hubugin tayo bilang mga taong mabuti, marunong, at matuwid.
Matutugunan lamang natin ang mga suliranin sa sektor ng edukasyon kung sa kabuuang perspektibo natin ito makikita: nakakakain ang mga estudyante ng masusustansyang pagkain sa isang maayos na tahanan, nagagabayan sila ng mahuhusay na guro sa magiginhawang silid-aralan, at walang silang pangamba na ma-bully sa kanilang paaralan.
Mga Kapanalig, maging realidad nawa ang mga hangarin nating ito para sa edukasyon ng ating kabataan. Makiisa tayo sa pagbubuo ng isang uri ng edukasyong makatao, maayos, at may malasakit nang yumabong ang kaisipan at puso ng ating kabataan. Sikapin natin, sa pangunguna ng ating gobyerno, na magkaroon ng edukasyon ang kabataang Pilipino na huhubog sa kanila para maging mga aktibong mamamayan at mabubuting tao. Tayo naman sa Simbahan ay mag-aambag sa paghubog ng mga matatalinong Kristiyano dahil ayon nga sa Kawikaan 22:6, “sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.”
Sumainyo ang katotohanan.