3,314 total views
Nagpahayag ng pagdududa ang Alyansa Tigil Mina (ATM) sa mga pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa responsableng pagmimina sa bansa, matapos ang talumpati sa Mining Philippines 2025 International Conference and Exhibition.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, mahalaga ang mga sinabi ni Pangulong Marcos lalo na’t ang mga nakikinig ay mga minero, mamumuhunan, at mga kinatawan ng industriya.
Gayunman, iginiit ni Garganera na taliwas ito sa aktwal na sitwasyon sa mga pamayanang direktang naaapektuhan ng pagmimina.
“Sa pangkahalatan, ‘yung mga sinabi niya ay mga bagay na gusto nating marinig. Ayaw niya sa iresponsableng pagmimina. Hindi nila hahayaang maghirap ang mga komunidad. At ang isang mahalagang punto doon [ay] dapat siguraduhin daw na nakikinabang ang bansa at ang mga mamamayang Pilipino,” pahayag ni Garganera sa panayam sa programang Veritas Pilipinas.
Aniya, dumami at bumilis ang pag-apruba ng mga bagong kontrata at permit sa pagmimina sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, at lumawak din ang mga lugar na apektado ng pagmimina, lalo na ng mga nickel mining projects.
Binanggit din ni Garganera ang sinasabing ugnayan ng mga political dynasty sa sektor ng pagmimina, na lalong nagpapabilis sa mga proyekto.
Para kay Garganera, ang ugat ng patuloy na paglala ng industriya ay hindi lamang kakulangan sa regulasyon, kundi kasakiman at katiwalian sa loob ng pamahalaan.
Kasabay nito, nanawagan ang ATM ng pansamantalang pagpapatigil ng pagmimina upang muling masuri ang mga umiiral na batas, at matiyak na napapangalagaan ang kalikasan at ang kapakanan ng mga mamamayan.
“Sa panahon ngayon na nagbabago ang klima at ‘yung kalagayan natin na napakatindi ng katiwalian sa gobyerno, isa po ‘yung panawagan namin: Hinto muna. Tigil muna ‘yung mina dahil napakalalim [at] napakalawak nung problema… Kapag hindi na-check ang kasakiman, hindi lang kaban ng bayan ang magsa-suffer, kundi po ‘yung likas-yaman at kalikasan natin,” ayon kay Garganera.
Sa Laudato Si’, binigyang-diin ng yumaong Papa Francisco ang pinsalang hatid ng pagmimina na labis na nagpapahirap sa kalikasan at mga apektadong pamayanan.




