6,279 total views
Nagpapasalamat si Virac, Catanduanes Bishop Luisito Occiano sa lahat ng nakatuwang ng diyosesis sa pagtitiyak ng kaligtasan ng isla mula sa matinding pinsala ng Bagyong Opong.
Pinasalamatan ni Bishop Occiano ang Caritas Virac, mga pari, at ang Municipal at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO/PDRRMO), gayundin ang iba pang institusyon, dahil sa pagkakaisa, mabilis na pagtugon, at walang kapagurang paglilingkod sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay Bishop Occiano, ang bukas-palad na pagtulong, mula sa pagbubukas ng mga pasilidad ng parokya bilang evacuation centers hanggang sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan, ay patunay ng diwa ng Kristiyanong pagkakawang-gawa at tunay na pakikiisa.
“Your unity in action—reaching out to the vulnerable, responding swiftly to urgent needs, and working hand in hand—has been a true witness of Christian charity and genuine synodality,” pahayag ni Bishop Occiano.
Kasabay nito, nanawagan ang obispo ng panalangin para sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng bagyo, na pagkalooban ng Panginoon ng lakas, ginhawa, at pag-asa upang muling makabangon.
Binigyang-diin din ni Bishop Occiano ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan at pagkakaisa ng sambayanan, habang muling isinasaayos ang mga buhay at pamayanan.
“In every storm, may we see the light of Christ guiding us to care for one another as one family of God,” ayon kay Bishop Occiano.
Batay sa tala ng diyosesis, 11 parokya at mission stations ang nagsilbing kanlungan at nagkaloob ng tulong sa 76 pamilya at 454 indibidwal.
Samantala, hinikayat ng diyosesis ang mga mananampalataya na magbahagi ng tulong para sa mga higit na naapektuhan ng Bagyong Opong sa Diyosesis ng Masbate sa pamamagitan ng isasagawang second collection sa lahat ng Misa bukas, Linggo, September 28, at sa inilunsad na donation drive ng Caritas Virac.




