10,072 total views
Naging emosyonal si Vatican Dicastery for Evangelization Pro-Prefect Luis Antonio Cardinal Tagle, habang ibinabahagi ang karanasan ng mga migranteng naninirahan at naghahanapbuhay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon sa kardinal, bilang isang opisyal ng Vatican, maituturing din niya ang sarili bilang migrante, kaya’t damang-dama nito ang mga pinagdaraanan ng kapwa Pilipino sa ibang bansa, partikular na ang mga overseas Filipino worker (OFWs) na humaharap sa iba’t ibang hamon tulad ng digmaan at banta ng deportasyon.
Ibinahagi ito ni Cardinal Tagle sa kanyang keynote address sa ginaganap na Serviam Servant Leadership Conference ng Serviam Catholic Community Foundation, Inc., sa La Salle Green Hills, Mandaluyong City noong June 12, 2025.
“Ngayon parang takot na takot ka kapag migrante ka. We do not know how you will be treated… That’s how dangerous the world it is. If you look at the many armed conflicts situation in the world, they are almost like tribal wars,” saad ni Cardinal Tagle.
Giit ng kardinal, hindi matatawag na tunay na “synodality” ang pagkakaroon ng sigalot at hindi pagkakaunawaan sa isang bansa, lalo na kung ito’y nagdudulot ng panganib at kaguluhan sa buhay ng mamamayan.
Sa paggunita ng Simbahan sa Jubilee Year of Hope, umaasa si Cardinal Tagle na malunasan na ang umiiral na kaguluhan at suliranin sa mundo, upang makamit ang tunay na kapayapaan at mapayapang pakikilakbay sa landas ng Panginoon.
“So please, itong Pilgrims of Hope let it be the humble walk of a servant like Jesus. The humble walk of God who will walk even with the strangers, even with those different from us. And it will be a journey where our destination does not disappoint,” ayon kay Cardinal Tagle.
Nagpaabot din ng panalangin ang kardinal para sa kaligtasan ng mga migranteng patuloy na nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa kinabukasan ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
“Please pray for our brothers and sisters who are living outside of our country and our culture,” dalangin ng kardinal.