190 total views
Hinimok ng Simbahang Katolika ang mananampalataya na makiisa at suportahan ang mga programa ng Simbahan lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.
Sa liham pastoral ng Arkidiyosesis ng Maynila, binigyang diin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na bukod sa pananalangin, ito rin ay panahon na kalingain ang kapwa na higit nangangailangan.
Dahil dito, sa ika – 15 ng Abril, Lunes Santo ay isasagawa ng Caritas Manila ang Alay Kapwa Telethon na layong bigyang kamalayan ang bawat Katoliko sa pagkakaroon ng pananagutan sa kapwa partikular na sa mga mahihirap, may karamdaman at mga biktima ng kalamidad na nangangailangan ng tulong at paggabay upang muling makaahon sa kanilang kalagayan sa buhay.
Sa paglilimos ay pinalalago ng bawat isa ang asal ng pagiging mapagkawanggawa at mapagbigay sa kapwa tao.
Ang pondong malilikom sa Alay Kapwa ay ilalagak sa Caritas Manila, ang social action arm ng Arkidiyosesis partikular sa Damayan program, ang nangunguna sa pagbibigay ayuda sa mamamayang masasalanta ng iba’t ibang uri ng kalamidad.
Noong nakalipas na taon ay umabot sa 5-milyong piso ang nalikom ng Alay Kapwa Telethon na ginamit ng Caritas Damayan sa pagtulong sa nasalanta ng bagyong Agaton, Josie, Ompong at maging sa mga biktima ng sunog sa Metro Manila.
Bukod pa rito ang pagpaabot ng tulong sa rehabilitasyon ng Marawi makaraang masira sa digmaan sa lugar, pagtulong sa mga lumad sa Mindanao at mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Mayon.
Bukod sa Alay Kapwa Telethon ng Radio Veritas at Caritas Manila ay nagsagawa na rin ng second collection sa mga misa ng bawat parokya bilang tulong sa pagkalap ng pondo.
Umaasa si Kardinal Tagle na bukas palad ang mamamayan sa pagtulong sa Alay Kapwa bilang pamamaraan ng pagpakita ng malasakit sa mga dukha.
Mapakikinggan ang Alay Kapwa Telethon sa inyong Kapanalig na himpilan mula alas 6 ng umaga hanggang alas 6 ng hapon.
Sa mga nais magbahagi ng kanilang tulong pinansyal ay maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng Caritas Manila at Radio Veritas o tumawag sa 925 – 7931 hanggang 39.