5,429 total views
Nanawagan ang Caritas Philippines para sa isang makatarungan, mapagpalaya, at payapang kapayapaan nang walang paggamit ng armas, kasabay ng pagsalubong ng bansa sa bagong taon.
Binigyang-diin ni Caritas Philippines President at San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na ang kapayapaang handog ng Panginoong Hesukristo ay hindi nagmumula sa takot, dahas, o puwersa ng armas, kundi sa kababaang-loob, pagtitiyaga, at sama-samang pagkilos—lalo na para sa mga maralita at nasa laylayan ng lipunan.
Ayon sa Obispo, hindi magiging matatag ang kapayapaan sa Pilipinas hangga’t ipinagkakait ang kabuhayan, nilalabag ang dangal ng tao, at patuloy na nararanasan ng mga mahihirap ang kawalan ng katarungang panlipunan.
Para sa maraming pamilyang Pilipino na dumaranas ng kahirapan, karahasan, paglikas sa kanilang tahanan, at kawalan ng katiyakan, ang kapayapaan ay hindi isang malayong pangarap kundi malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng takot at pag-asa, at ng pagbubukod at pakikilahok sa komunidad.
“As we begin a new year, Caritas Philippines joins the Holy Father, Pope Leo XIV, in proclaiming the Easter greeting of the Risen Christ: ‘Peace be with you.’ This greeting is not a formality nor a distant hope. It is an invitation and a challenge—calling us to choose what kind of nation we will be in the year ahead,” ayon sa mensahe ni Bishop Alminaza.
Mariin ding kinondena ng Caritas Philippines ang paniniwalang ang seguridad ay nakukuha sa pamamagitan ng militarisasyon at dahas. Iginiit ng Obispo na ang tunay at pangmatagalang kapayapaan ay nagmumula sa katarungan, dayalogo, at pagpapanumbalik ng nasirang ugnayan, lalo na sa mga komunidad na matagal nang pinagkaitan ng boses at karapatan.
“We call for the protection of children, Indigenous peoples, farmers, fisherfolk, and urban poor communities whose lives are most vulnerable to the combined impacts of conflict, climate change, and unjust development,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Alminaza.




