2,259 total views
Tiniyak ng Caritas Manila ang pagtulong sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpapaaral sa mga kabataang nais maging ‘agriculturist’ sa hinaharap.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas, isang-libo mula sa limang-libong mga kabataang pinag-aaral ng Youth Servant Leadership Education Program (YSLEP) kada taon ay kumukuha ng kurso sa kolehiyong nakatuon o may kaugnayan sa agrikultura.
“Alam natin na marami ng mga kabataan na ayaw ng magbungkal ng lupa itoy nakakalungkot, ito’y red flag sapagkat ang Pilipinas ay isang agricultural country ito ang biyaya sa atin ng Panginoon,” bahagi ng panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Mungkahi pa ng pari sa pamahalaan na mas paigtingin ang ‘modernization efforts’ upang higit na matulungan ang sektor ng agrikultura.
Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga makabagong kagamitan o mga pag-aaral sa mga makabagong pamamaraan ng pagtatanim at pangingisda upang mapabilis ang pagtatanim, pag-aani, masustansya at kalidad ang mga aanihing produkto sa hinaharap.
“Nakakalungkot nga sa Pilipinas, kung sinong nagpapakain sa atin siya o sila ang pinakamahihirap, kaya dapat magtulong tulong tayo, palakasin agri-sector, nandiyan ang simbahan na susuporta sa mga young farmers and fishermen, sa pamamagitan ng Caritas Manila,” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas kay Fr. Pascual.
Sa datos noong 2022, umabot sa P111.7-million ang nailaan ng Caritas Manila sa pagpapaaral sa may 5-libong scholars ng YSLEP.