13,374 total views
Kinilala ni Cebu Apostolic Administrator Archbishop Emeritus Jose Palma ang mahalagang gampanin ng Charismatic Renewal sa pagpapalawak ng misyon ng Simbahan sa kasalukuyang panahon.
Sa pagbubukas ng kauna-unahang CHARIS National Spiritual Directors Conference sa Pope Pius XII Catholic Center sa Manila, ibinahagi ng arsobispo ang kanyang karanasan ng dumating sa Cebu noong 2010 kung saan buhay ang komunidad ng mga charismatic.
“I thank the Lord that when I came to Cebu, I found it a community of wonderful, charismatic people. The journey becomes a journey of great joy and hope as we move towards the Church’s journey towards tomorrow,” pahayag ni Archbishop Palma, na kasalukuyang National Episcopal Adviser ng CHARIS Philippines.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay muling nabubuksan ang puso ng mga mananampalataya upang magbuklod sa pananalangin at magnilay sa Mabuting Balita ng Panginoon.
Idinagdag ng arsobispo na nanatiling matatag ang Charismatic Renewal sa bansa dahil sa ministeryo ng mga pari, partikular sa paggawad ng mga sakramento at higit sa lahat sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
“In any ministry to charismatics, we begin with the truth, the importance of the Eucharist, and that we are baptized — a dignity nobody can take from us,” giit ng arsobispo.
Binigyang-diin din ni Archbishop Palma ang mahalagang papel ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria na nagpapatibay sa pastoral work ng mga pari lalo na sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya at komunidad.
Samantala, sinabi naman ni CHARIS International member at CHARIS Philippines National Coordinator Fe Barino na ang pagkilos ng Espiritu Santo sa puso ng mga mananampalataya ang susi sa masiglang simbahan.
“The spirituality of the Charismatic Renewal is living a life in the Spirit. Empowered by the Holy Spirit, we can see a more vibrant and synodal Church, because the Holy Spirit is the catalyst of synodality,” pahayag ni Barino sa Radyo Veritas.
Naniniwala si Barino na sa pamamagitan ng mga charismatic groups ay higit pang maitataguyod ang misyon ng Simbahan.
“The Charismatic Renewal is a potent group to promote evangelization through their charisms in their communities,” dagdag pa niya.
Umaasa si Archbishop Palma na ang pagtitipon ay magiging daan upang higit pang mapaigting ang paglilingkod ng mga pari at lay leaders sa Charismatic Renewal.
“Towards the end of this conference, we will be guided, strengthened, and inspired to accept this noble ministry, because together with all members of the Charismatic Renewal, we form one big community journeying toward the Father,” aniya.
May temang “Power for Mission,” layunin ng pagtitipon na palakasin ang paglilingkod ng mga spiritual directors sa kani-kanilang diyosesis bilang gabay at katuwang ng mga charismatic groups.
Dinaluhan ang conference ng 113 delegado na binubuo ng mga pari, madre, at lay leaders mula sa 60 diyosesis at iba’t ibang charismatic communities sa buong bansa.




