40,453 total views
Inaanyayahan ng Manila Cathedral ang lahat na makibahagi sa paggunita ng 97th birth anniversary ng ika-30 Arsobispo ng Maynila na si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Bilang pag-alala ay pangungunahan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Sócrates Villegas -na nagsilbi ring secretary ni Cardinal Sin ang pagdiriwang ng banal na misa sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral sa ika-31 ng Agosto, 2025 ganap na alas-sais ng gabi na susundan naman ng pagbabasbas sa putod ng Cardinal na matatagpuan sa Crypt ng Manila Cathedral.
Maari ring magbigay pugay ang mga mananampataya sa dating Cardinal sapagkat bubuksan para sa publiko ang naturang Crypt buong araw.
“Let us remember in our prayers His Eminence Jaime L. Cardinal Sin whose 97th birth anniversary we will commemorate on Sunday, August 31, 2025, 6:00pm with a Eucharistic Celebration to be presided over by His Excellency Most Reverend Sócrates B. Villegas, Archbishop of Lingayen-Dagupan. Blessing of the Cardinal’s tomb will follow after the Mass. The Crypt will be open to the public the whole day.” Paanyaya ng Manila Cathedral.
Si Cardinal Sin ang ika-30 Arsobispo ng Maynila na naglingkod sa arkidiyosesis sa loob ng halos tatlong dekada mula ng maitalaga noong January 21, 1974 hanggang sa magretiro ito noong September 15, 2003 at namayapa noong June 21, 2005.
Sa Diyosesis ng Kalibo naman ay isang banal na misa rin ang ipagdiriwang para sa araw ng kapanganakan ni Cardinal Sin, at pagdiriwang sa unang aniversaryo ng pagkakatatag sa Museo Kardinal sa Poblacion, New Washington, Aklan.
Ang nasabing Museo Kardinal ay itinatag upang mapangalagaan ang legasiya at maganda halimbawa ng buhay at paglilingkod ni Cardinal Sin na hindi lamang nagpamalas ng pambihirang paglilingkod bilang pastol ng Simbahang Katolika kundi mariin ding nagsulong ng katarungang panlipunan at demokrasya ng bansa noong panahon ng Martial Law.
Si dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ay nakilala rin sa buong daigdig bilang isa sa mga mukha ng tinaguriang ‘bloodless revolution’ nang manawagan ang Cardinal sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng Radio Veritas na magtungo sa EDSA upang isulong ang demokrasya ng bansa sa panahon ng diktadurya.




