54,189 total views
Mga Kapanalig, masaya ang administrasyong Marcos Jr na mahigit 90% ng mga Pilipino ang marunong magbasa, magsulat, at magbilang. Ito ang lumabas sa resulta ng 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (o FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (o PSA). Sa mga edad 10 hanggang 64, nasa 93% ang tinatawag na basic literacy rate. Siyam sa sampung Pilipino ang nakapagbabasa, nakapagsusulat, at nakapagbibilang.
Pero naiintidihan ba nila ang binabasa nila? Malinaw ba ang diwa ng mga sinusulat nila? Alam ba nila kung bakit sila nakarating sa sagot ng anumang kinukwenta nila?
Ito ang kaibahan ng tinatawag naman na functional literacy. Sa FLEMMS, lumabas na halos 71% lamang ang may high-level comprehension skills o mga kakayahang lampas sa simpleng pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang. Ibig sabihin, nagagamit nila ang impormasyong alam nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Tatlo sa sampung Pilipino ang walang ganitong kakayahan. Mataas pa rin ang ating functional literacy rate kung tutuusin, pero dapat itong tutukan ng mga nasa sektor ng edukasyon.
Sa pagsasaliksik na ginawa ng pahayagang The Philippine Star, natuklasang mababa ang functional literacy rates sa mga rehiyong mataas ang tinatawag na poverty incidence. Tumutukoy ang poverty incidence sa bahagdan ng mga nakatira sa isang lugar na kumikita ng mas mababa sa itinakdang halaga para matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Kung pasok o lampas ang kanilang kinikita sa halagang ito, hindi sila maituturing na mahirap. Sa 18 na rehiyon sa Pilipinas, 11 ang may poverty incidence na mas mataas sa average para sa buong bansa at may functional literacy rate na mas mababa sa average. Sa madaling salita, matatagpuan ang mga hindi nauunawaan ang kanilang binabasa, sinusulat, at kinukwenta sa mga rehiyong mataas ang antas ng kahirapan.
Pinakakapansin-pansin ito ang mga probinsyang nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (o BARMM). Ang poverty incidence doon noong 2023 ay nasa 24%, o halos dalawa sa sampung taga-BARMM ay mahirap. Mas mataas ito sa average na 15%. Ang functional literacy naman doon noong 2024 ay nasa halos 65%, mas mababa sa average na halos 71% na binanggit natin kanina. Kabaligtaran ito sa Metro Manila. Mababa ang antas ng kahirapan dito kumpara sa ibang lugar habang mataas naman ang functional literacy rate ng mga taga-rito.
Sinasalamin ng mga datos na ito ang ugnayan ng edukasyon at kahirapan. Ganito lang naman ‘yan, mga Kapanalig: kung mahirap ang isang lugar, malamang sa malamang ay marami ang hindi nakatutungtong sa paaralan. Kung marami ang walang kakayahang intindihin ang kanilang binabasa, sinusulat, o kinukuwenta, malamang sa malamang ay mabagal ang pag-usad ng lugar na kinalalagyan nila. Sanga-sanga at paikut-ikot ang mga problemang ito. Kung hindi maaampat, lalawak ang agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap, ng mga nakapag-aral at hindi nakapag-aral. Walang katarungan sa ganitong uri ng lipunan.
Naniniwala ang ating Simbahan na susi sa pag-ahon sa kahirapan ang pagkakaroon ng maayos na edukasyon. Sa ganitong paraan, napahahalagahan din ang dignidad ng tao, isa sa mahahalagang saligan ng mga panlipunang turo ng ating Santa Iglesia. Ang mga mamamayang nauunawaan ang kanilang binabasa, sinusulat, at binibilang ay pangunahing pundasyon ng kaunlaran ng ating bayan. Kung sapat ang kanilang edukasyon, hindi sila maloloko, hindi sila sasamantalahin, hindi sila magiging sunud-sunuran lamang sa mga makapangyarihan at maimpluwensya.
Mga Kapanalig, kasama ang Simbahan sa pagtataguyod ng dekalidad na edukasyon sa ating bansa; marami itong pinatatakbong mga paaralan. Pero mahalagang pagtuunan din ng pansin ang mga pampublikong eskuwelahan kung saan libre (dapat) ang pag-aaral. Nangangako ang DepEd na tutukan ang sektor ng edukasyon nang mabigyan ng katarungan ang mahina at hindi maapi ang mahirap, ‘ika nga sa Mga Awit 82:3.
Sumainyo ang katotohanan.